Hindi ako makatulog.
Nag-uumapaw ang inis, ngitngit, galit at sama nang loob ko sa kinasasadlakan kong sitwasyon sa opisina. Kung nasa Pinas lang ako, siguradong may tumimbuwang na kanina. Pero wala ako sa Pilipinas -- at may mga taong umaaasa sa aking pamamalagi dito sa disyerto -- kung kaya't idinadaan ko na lang sa pabuntu-buntong-hininga at ibayong pagpapakumbaba na tila inaabuso naman ng mga Herodes sa impiyernong ito.
Pansamantalang lumamig ang kumukulo kong dugo nang pagtripan kong balikan sa YouTube ang ka-eng-engan ni Miss Fitrum sa Wowowee na di hamak na mas magaling pang mag-Inggles sa mga nagpapanggap na manunulat dito.
Nagpatay na ako nang ilaw para tuluyan na sanang matulog subalit naroroon pa rin ang poot. Hindi ka naman makasigaw para lang mailabas kahit papaano ang kinikimkim na galit dahil tulog na ang mga tao sa paligid.
Ang hirap talaga kapag wala kang agarang mahingahan nang damdamin.
Kung nasa Pilipinas lang siguro ako, malamang kasama ko ngayon sina Louie, Larry o Dennis at sama-sama naming hinihimay at pinaghuhuntahan ang mga problema sa lipunan ng mga diyarista.
Bigla ko tuloy na-miss ang aking mga "tatay" sa industriya. Ang aking pinakakapitagang Triple J (bukod kay Jinky Joan Jorgio) na sina Joe Burgos, Joe Capadocia at Julius Fortuna.
Hahalakhak lang malamang si Tito Boy (Joe Burgos) at sasabihing "mga hindot sila kamo" sakaling isumbong ko sa kaniya ang mga hindot na ito.
Hihimasin lang siguro ni Tata Joecap ang aking likuran o kaya'y tatapik-tapikin ang aking balikat at sasabihan akong: "May araw rin sila hijo".
Ngingisi namang ala-Jack Nicholson itong si Manong Jules at malamang ay hihilahin na lang akong kumain sa pansitan sa Timog o sa isa sa kaniyang mga hang-out sa Kyusi. Tatawagan niya si "Garaps" (Eric Garafil), pasusunurin kung nasaan kami "para ma-chicharon ang problema nitong bata natin".
Since di ko nga magawang makapagmura sa mga oras na ito ... hayaan ko na lang si Mister Palengke na isigaw ang aking saloobin.....