Friday, 27 March 2009

Congratulations Aia!


My daughter, Stella Marie Isabelle Ramirez Gutierrez or SMIRG or Stellagee or Gucci (the 2nd in the family after me to be called as such) ... or simply Aia is now part of Holy Spirit School of Quezon City's Grade School Class of 2009. Dad's lil girl has done it again!

Tuesday, 24 March 2009

Ang langaw na kaibigan ng modista ni Gloria

Kahapon pa ako nanggagalaiting sulatin ito bilang reaksyon sa nakaka-imbiyernang balitang ipinadala sa akin ng aking kaibigang si Lalaine Chu Benitez, ang patnugot ng de-kalidad na magasing Illustrado.

Ito’y patungkol sa isang Boyet Fajardo na isa umanong pamosong fashion designer na diumano’y gumawa nang eksena sa Duty Free.

Nagwala raw itong si Fajardo sa Duty Free dahil sa hiningan umano siya ng ID para beripikahin ang kaniyang pagkakakilanlan habang nagbabayad nang kaniyang pinamili dahil ito raw ang pamantayang hakbang sa tuwing may nagbabayad gamit ang credit card. Hindi ko na idedetalye kung ano pa ang mga sumunod na eksena dahil sa siguradong nagkalat na ito sa internet.

Ang dagliang reaksyon ko sa e-mail ni Lalaine ay “Sino ba tong Boyet Fajardo na ito?” Sikat ba siya?

Bagama’t tatlong taon na akong nangingibang-bansa, hindi naman ako nagpapahuli sa mga pangyayari sa aking bayang sinilangan. At ngayon ko lang rin narinig ang pangalang Boyet Fajardo.

Ang tanging alam kong Fajardo ay yung welding shop malapit sa bahay namin sa Galas at kung di ako nagkakamali ay ganito rin ang apelyido ng isang babaing minsang binalak kong pormahan noong panahong wala pang piso ang pamasahe sa jeep.

Pasintabi sa aking mga kaibigang marino pero mas maikakabit ko pa ang Boyet Fajardo bilang pangalan ng isang seaman kesa sa isang fashion designer.

Ang inasal ni Fajardo – kung sino man siya – ay hindi nalalayo sa insidente sa call center ng Citibank na ipinarinig sa akin ng aking kaibigang si Earl noong isang linggo kung saan isang babaing “big time” ang nagwala habang kausap ang isang call center agent dahil sa hindi niya ma-withdraw ang kaniyang kayamanan sa ATM ng naturang bangko.

Hindi ko maiwasang mapagdikit ang dalawang insidente dahil sa napapansin kong tila lumalala na ang baltik sa ulo ng mga Pinoy.

Gaya ni Fajardo, marami tayong kababayang nag-aasal langaw na napakalaki na ang tingin sa sarili dahil lamang sa nakadapo ang mga ito sa isang kalabaw.

Ilang insidente na rin ang aking nasaksihan kung saan pumipitik ang isang “naapi” ng tanong na “Hindi mo ba ako kilala?” kasunod nang pagbanggit ng mga taong may powers sa layong masindak ang mga “nang-api” sa kaniya.

Ang insidenteng kinasangkutan ni Fajardo at maging nang Citibank customer na nawawala sa sarili ay epekto na marahil nang sistemang “palakasan” na bumalot at nakagisnan na sa ating lipunan.

Tumatak na marahil sa isipan ng mga Pinoy na maaaring malusutan o baliin ang batas kapag ika’y “big time” o malakas o may nasasandalang pader na puwedeng sumangga sa iyo.

Karaniwan na rin sa mga motoristang Pinoy ang may kipkip na “panangga” sa kani-kanilang mga lisensiya – calling card ni kernel o general o kahit ni Bayani Fernando – o kaya’y “anting-anting” sa sasakyan gaya ng sticker ng kung ano-anong “malalakas” na ahensya gaya ng Malacanang, MMDA, PNP, DOJ, NBI o commemorative plate ng AFP, PNPA, PMA etc. etc..

Hindi na rin tayo masyadong nayayanig sa tuwing makakarinig nang kung ano-anong alingasngas na kinasangkutan ng anak ni congressman, pamangkin ni konsehal, inaanak ni mayor o apo ni general.

At sa kaso ni Boyet Fajardo…. kaibigan raw ng modista ni Gloria.

Kaya’t tama lang ginawa ng mga mga empleyado ng Duty Free na mag-ingay at ipaalam sa madla ang kawalan ng kagandahang asal at pagre-reyna-reynahan nitong si Fajardo.

Hindi maitatama ang isang mali kung walang kikilos laban dito.

At sakali sanang umusad na ang proseso nang kanilang ginagawang pagkilos, huwag sanang gayahin ng mga naaping empleyado ng Duty Free ang putatsing na si Nicole na ipinagpalt ang kaniyang dignidad para lang magpakaligaya sa kaniyang land of milk and honey.

Monday, 23 March 2009

TV retro overload: how jologs are you quiz

Nangingisda ako sa cyberspace….naghahanap ng mga bagay-bagay na pwedeng isalpak sa ginagawa kong Kaluskos Musmos at Uncle Bob Lucky 7 Club groups sa Facebook nang matalisod ko itong “jologs quiz” sa forum ng -- of all websites -- Cebu Pacific!



Hindi ko alam kung luma na ito o bagong gawang quiz …hindi ko rin masagot yung ibang tanong….pero sa interes ng mga ka-henerasyon ko…ipapaskel ko ito with picshurs na hinagilap ko na rin sa internet (salamat sa PEP, Nostalgia Manila at iba pang blogs at sites -- fair use lang po). Some answers originally posted with the quiz, I had to correct ... may detalye na wala doon, pero alam ko!

Basahin…sagutin…nang madagdagan ang inyong pagka-sibilisado…

Btw…. I scored 36 points on this quiz…. STANDARD JOLOGS lang daw ang rating ko…eeew!

Here goes the quiz ...

Hindi mo alam kung ano ang jologs? May mga nagsasabing jologs ka raw kung mas gusto mo ang Hiwaga Komiks, Luneta, at Renz Verano, kesa sa Harry Potter, Starbucks, at Brian McKnight.

Sabi naman sa Cybertambayan.com, jologs ka rin kung naki-uso ka, o naging pamilyar, sa kung ano man ang “in” sa isang partikular na panahon. Malabo pa rin? Eto ang isang quiz para malaman ang Jologs Quotient mo:

1. Ano ang title ng sitcom ni Lito Pimentel kung saan lumabas na tatay nya si Balut? (1 pt.)

2. Sino ang ka-loveteam nya dito? (1 pt.)

3. Ano ang pangalan ng lola sa Flor de Luna? (1 pt.)


4. Ano ang pangalan ng katulong sa Flor de Luna? (1 pt.) Ano’ng apelyido nila Flor at Rene Boy? (1 pt.) Sino ang gumanap na yumaong ina ni Flor de Luna? (1 pt.)

5. Ano ang pamagat ng sitcom na pinapalabas bago ang mga robot cartoons sa Channel 7? Sinong bida dito? (2 pts.)

6. Sino ang gumanap sa Kulit Bulilit na lumabas din sa pelikulang Macho Dancer? (1 pt.)
7. Ano’ng pamagat ng soap opera kung saan lumabas ang mga tauhan na sina Carding, Luisa, at Peping? (1 pt.) Sinu-sinong mga artista ang gumanap sa kanila? (3 pts)


8. Ano ang pamagat ng pelikula kung saan lumabas si Rio Locsin bilang isang daga? (1 pt.)

9. Sinu-sino ang mga softdrink beauties? (3 pts.)



10. Sinong artista ang pumukpok ng microphone kay Dr. Rey de la Cruz sa TV show na Rumors, Facts and Humor? (1 pt.) Sino ang anak nya? (1 pt.) Ano ang children’s show na nilabasan nya? (1pt.)

11. Saang sitcom unang lumabas si Miss Tapia ng Iskul Bukol? (1 pt.) Ano ang totoong pangalan ni Mang Temi? (1 pt.) Ano’ng buong pangalan ni Vic? (1 pt.) Sinong gumanap na ama ng Escalera Brothers? (1 pt.)

12. Sino ang mga bida sa bagets? (5 pts.)


13. Sinu-sino ang cast ng Champoy? (6 pts.)
14. Saang sitcom unang tinawag na Bistek si Herbert Bautista? (1 pt.)


15. Ano ang title ng sitcom ni Apeng Daldal? (1 pt.) Ano ang pangalan ng gitarista nya dito? (1 pt.)

16. Ano ang pangalan ng mga anak nila John and Marsha? (3 pts.)




17. Ano ang pangalan ng asawa ni Rolly sa John and Marsha? (1 pt.)

18. Sino ang ka-loveteam ni Nikki Martel? (1 pt.)
19. Ano ang pelikula nina Aga Mulach at Herbert Bautista after Bagets? (1 pt.)
20. Saang Tv show laging pinapatugtog ang “It’s my turn to see what I can see” sa closing credits? (1 pt.)


21. Ano ang pangalan ni Freddie Webb sa Chicks to Chicks? (1 pt.)


22. Sino ang cast ng Triple Treat? (3 pts.)

23. Ano ang title ng movie ni Kuya Germs at ano ang theme song ditto? (2 pts.)

24. Ano ang unang TV series ni Judy Ann Santos? (1 pt.)

25. Ano ang unang variety show ni Lea Salonga? (1 pt.)

26. Ano’ng title ng sitcom nina Ading Fernando, Lilian Laing, Janice Jurado, at Soxy Topacio? (1 pt.) Ano ang pangalan ni Janice Jurado ditto? (1 pt.)

27. Ano ang pangalan ng foreign actor na katambal ni Maricel Soriano sa Ang Boyfriend Kong Kano? Meron din syang commercial (Sarsi with egg). (1 pt.)

28. Sino ang ka-partner ni Rey “PJ” Abellana sa Anna Liza? (1 pt.)

29. Ano ang title ng TV show nila Agot Isidro, William Martinez, at Strawberry? (1 pt.)

30. Sino ang ka-love triangle nila Sheryl Cruz at Romnick Sarmenta? (3 pts.)


ANSWERS (and more useless jologs trivia)
1. Manok ni San Pedro (1 pt.) Tony Calderon played the role of San Pedro.

2. Kristine Garcia (1 pt.)
3. Donya Agueda (1 pt.). Evil mother of evil stepmother Tita Jo (played by Laurice Guillen), and evil grandmother of evil stepsister Wilma (who later dies after making amends to poor Flor).
4. Soling (1 pt.), Alicante (1 pt., tatay nila si Colonel Leo Alicante, played by the late Dindo Fernando), Emma Yuhico (1 pt.).
5. Prinsipe Abante (1 pt.), starring Bert “Tawa” Marcelo in a Prince Valiant wig. Kapatid nya si Prinsipe Aburido. (1 pt.)
6. Timmy Diwa (1 pt.). Kulit Bulilit was a project of Kabataang Barangay Chairperson Imee Marcos, who regularly appeared on the show. The theme song? “They are whatchamacallit, kulit bulilit!”

7. Gulong ng Palad (1 pt.). Ronald Corveau, Marianne de la Riva, and Romnick Sarmenta (3 pts.)
8. Kambal sa Uma. (1 pt.). Very weird movie serialised from Kislap magazine.
9. Coca Nicolas, Sarsi Emmanuel, and Pepsi Paloma. (3 pts.). Then of course, there were the Liquor-Boulevard Beauties (Vodka Zobel, Brandy Ayala)

10. Divina Valencia (1 pt.). Dranreb (1 pt.), Kaluskos Musmos (1 pt., also starring a very young Maricel Sorriano).
11. Baltic & Co. (1 pt.); Artemis Batungbuhay (1 pt.); Victorio Ungasis (1 pt.); Rod Navarro (1 pt.)
12. Aga Muhlach, J.C. Bonnin, Raymond Lauchengco, William Martinez, Herbert Bautista (5 pts.)
13. Noel Trinidad, Subas Herrero, Tessie Tomas, Gary Lising, Maya (later known as Mitch) Valdez and Cherie Gil (6 pts.)

14. 2+2 (1 pt.)

15. Cafeteria Aroma (1 pt.) Minyong Villegas (1 pt.)

16. Rolly, Shirley at Atong (3 pts.)
17. Madel (1 pt.)
18. Tina Godinez (1 pt.)
19. Campus Beat (1 pt.)
20. Coney Reyes on Camera (1 pt.)
21. Jimmy Capistrano (1 pt.)
22. Randy Santiago, Keno, and Gino Padilla (3 pts.)
23. Payaso; Send in the Clowns (2 pts.)
24. Ula (1 pt.)
25. Love, Lea (1 pt.) on Channel 4, co-starring, if we remember , Ariel Ureta and Gerard Salonga.
26. Duplex (1 pt.); Liweng (1 pt.)
27. Danni Vanni (1 pt.) And if you remember him, the name Tom Babauta should likewise be familiar.
28. Leni Santos (1 pt.)
29. Mana-Mana (1 pt.)
30. Joed Serrano (3 pts.) Bonus: sobrang jologs kung alam mo to

SCORING:
55+ Lord of the Jologs
40+ Proud Jologs
25+ Standard Jologs
10+ Lowly Jologs
9 below Ayaw Umamin na Jologs

(Note: Para lang 'to sa mga Martial Law Babies o mas matanda pa ang quiz. Alam na ng mga “Generation Y” ang Jologs Quotient nila.)

Sunday, 15 March 2009

eMo :(

Ilang araw na akong balisa.


Tamang “senti” o kung sa lenguaheng bagets ngayon, tamang “emo” baga.


Second nature na nga yata sa mga migranteng gaya ko ang palagiang tamang “emo”. Mahirap ipaliwanag at mahirap rin intindihin ng mga “normal” na tao kung gaano katindi ang “emo” level ng isang OFW.

Parang gusto mong isumpa ang mundo at isumpa na rin ang sarili mo kung bakit ka lumayo sa bayang kinagiliwan subalit sa tinagal-tagal ko na sa ganitong buhay, natuto na rin akong mag “cool down” at pigilan ang pag-alagwa ng kalungkutan dahil baka kung saan pa mapunta ang sobrang kaburyungan.

Maaari sigurong sabihin na maihahalintulad kaming mga OFW sa isang payasong namatayan.
Nakatawa o masaya ang anyong panlabas kahit na nagluluksa at tila pinupunit ang kalooban.
Mga bagay na maaaring sabihing isang komedya kung dati mo na akong kakilala.

Senti ako dahil sa ikatlong magkakasunod na pagkakataon ay wala na naman ako nang magdiwang ng kaniyang kaarawan ang aking unico hijong si Andre.



Siyam na taong gulang na ang baby boy ko noong Marso 10. Huling birthday niyang single digit at sa susunod na taon ay papalapit na sa pagiging binatilyo.


Marami na ring pinagbago ang aking “mini me”.

Kung dati-rati’y Beyblade at B-Daman ang kaniyang nilalaro noong huling panahong magkasama pa kami, ngayon ay PSP at basketball na ang kaniyang nakahihiligan.


Dahil na rin dito, nabilihan ko si Andre ng basketbolan at nakapanood pa kami ng live na PBL
game sa San Beda. Halos araw-araw rin kaming naglalaro ng basketball sa aming garahe.


Sa hindi ko maintindihang dahilan, naging fan si Andre ng Charlotte Bobcats na bagama’t hindi kalakasang koponan sa NBA ay siya namang kaniyang pilit na minamaniobrang manalo sa kaniyang PSP.

Kamakailan lang ay naikuwento pa niya sa akin kung paano siya napabilib sa Alaska Aces nang mapanood niya ang laro nito kung saan bumangon ang koponan ni Tim Cone sa pagkakatambak at mapanalunan ang isang krusyal na laro sa nakaraang PBA Fiesta All-Filipino Conference.


Kinailangan lang naming rendahan ang kaniyang pagkahilig sa basketball nang minsan niyang balaking magdeklara ng “holiday” para makapanood lang ng NBA All-Stars.

Napapabuntung-hininga na lang ako sa tuwing maiisip na malamang ay madalas kaming magkasama sa panonood ng mga laro lalo pa’t naging isang basketball powerhouse ang aking alma mater.


Siguradong mamimilog ang mga mata ng aking Andre sa pagkamangha kapag naipakilala ko pa sa kaniya nang personal ang ilan sa aking mga kaibigang malayo na rin ang narating sa larangang ito bilang mga player, coach o commentator.

Kaya’t sakaling makita niyo akong nakatanga at tila nagmumukmok, pagpasensiyahan niyo na ako’t “emo” moments ko yun.


Malamang ay nangangarap na naman akong nakikipag-one-on-one sa aking unico hijo.

-oOo-

Isa pang dahilan nang aking pagsisintir ang pagpanaw kamakailan ng isang kaibigan – si Florencio Ramos -- isang PR man na mas kilala sa maliit na sirkulo ng mga developmental communicators bilang Tata Flor o Mang Floring.

Kakaiba ang aming pagkakaibigan ni Tata Flor dahil sa naging dabarkads rin pala nito ang aking Papa.

Blog ko naman ito kaya’t hayaan niyo na akong magkuwento.

Una kong nakilala si Tata Flor noong ako’y naging patnugot ng AgriScope, isang magasing tungkol sa pagsasaka at mga negosyo’t bagay-bagay na may kinalaman sa agrikultura, noong 1993 (Sa mga mahilig magbilang, 23 taong gulang po ako noong mga panahong yaon).

Isang araw na tagaktak ang pawis naming binubuo ang isang isyu ng magasin sa aming opisina sa basement ng Cityland building sa Buendia, may dumating na matandang long hair na naka-polo barong at hinahanap raw kung sino na ang bagong editor ng AgriScope.


Pinatuloy ng aming editorial assistant na si Jun Cangao ang bisita at di naglaon ay nagkakilala rin kami. Siya nga raw si Flor Ramos at tinutulungan niya ang PCARRD (Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development), isang ahensya ng Department of Science and Technology, sa pagpapakalat ng kanilang mga press releases.

Gaya ng isang karaniwang PR man, madaldal si Tata Flor. Subalit kakaiba ang kaniyang dating sa amin. Hindi siya nambobola.


Walang halong ek-ek ang kaniyang mga sinasabi at tunay ang kaniyang pakikipagpkaibigan sa amin hindi kagaya ng karamihan sa mga PR practitioners na plastic at kaya lang magiliw ay dahil sa may kailangan sila sa iyo.Nagyaya rin si Tata Flor na makipagbarikan o kaya’y makapamasyal sa tanggapan ng PCARRD sa Los Banos.

Mula noon ay naging madalas na ang aming pagkikita – kadalasan sa mga media events na inoorganisa ng Science and Technology Information Institute para sa DOST at ng mga ahensiya nito.


Minsan rin naming pinaunlakan ang masigasig na imbitasyon ni Tata Flor na magbarikan sa isang tagong dampa malapit sa Ospital ng Makati.

Sa aming pagkukuwentuhan, nalaman kong Bikolano pala si Tata Flor at matagal nang tumutulong sa mga imbentor.


NSDB pa nga raw o National Science Development Board at wala pang DOST ay nariyan na siya para tulungang i-promote ang mga imbensyong Pinoy.

Naipakita rin niya sa akin ang laman ng kaniyang palagiang kipkip na plastic envelope kung saan nakasilid ang clippings ng kaniyang mga naipalabas na istorya tungkol sa mga imbentor at ilang mga larawang kasama ang kung sino-sinong mga talentadong tao gaya ng dating pangulo ng Filipino Inventors Society na si Ronnie Pasola – ang utak sa likod ng larong Games of the Generals – at Dr. Jovito Deauna na siya namang lumikha ng isang water filtration system na kilala bilang Aquaclean.


May mga naninilaw na larawan rin siya habang kasama sina Gerry Geronimo, host ng Ating Alamin, isang agribusiness TV show, at Cecille Garrucho ng Tele-Aralan.

Si Tata Flor rin ang punong-abala nang maghatak ng mga mamamahayag ang noo'y Science Secretary Ricardo Gloria sa kaniyang pag-iinspeksyon ng mga proyekto ng DOST sa Laguna at Quezon.

Lalo kaming napalapit sa isa’t isa ni Tata Flor nang aksidente kong malaman ang kaniyang kaugnayan sa aking Papa.


Wala na ako sa mainstream media at noo’y nagtatrabaho sa media bureau ng Lakas-Laban coalition noong panahon ng halalan noong 1995 nang mapadalaw si Tata Flor sa aming tanggapan sa BF Condominium sa Aduana. (Karamihan sa mga PR ay wala nang paki sa'yo kapag nawala ka na sa poder).

Pababa na kami nang hagdan para kumain sa labas nang bigla niya akong tanungin kung saan raw ang aking probinsiya.


Gaya nang kadalasang tugon ko sa mga ganiyang tanong, sinasabi kong ipinanganak ako sa Maynila at lumaki sa Quezon City subalit ang aking Mama ay mula sa Bohol at ang aking Papa ay mula sa Masbate.

Napatigil si Tata Flor at nag-usisa kung saan daw sa Masbate nagmula ang Papa ko. Nang sabihin kong sa bayan ng San Jacinto … napadilat ang kaniyang mata, sabay tanong kung kaano-ano ko si Al (palayaw ng aking tatay).

Nang sabihin ko sa kaniyang tatay ko ang kaniyang tinutukoy, napa-jab si Tata Flor sa aking balikat. Magkabarkada raw sila ni Papa (Mga mata ko naman ang nanlaki).

Magkaklase raw sila ni Papa sa high school sa Southern Luzon Institute sa Bulan, Sorsogon at tunay na magkasanggang-dikit. Marami siyang naikuwento sa akin tungkol sa aking ama. Madalas rin umano siyang dumalaw sa opisina ni Papa sa GSIS noong nasa Aroceros pa ito.

Mula noon ay kaakibat na ang kuwentong yaon sa tuwing may mga okasyong nagpapakilala kami sa mga taong nakakasalamuha namin.


Matagal-tagal pang panahon ang naging pagkakaibigan namin ni Tata Flor.

Mula DOST, napunta siya sa PCSO kung saan naging bossing naman niya ang aking favourite teacher sa high school na si Roger Ramirez.


Huli kaming nagkasama ni Tata Flor sa birthday celebration ni Mr. Ramirez na ginanap sa isang bakanteng lote sa likod ng Q.I. noong 2004. Naihatid ko pa siya sa kanilang bahay sa Cubao matapos ang barikang umabot nang dis-oras ng gabi.

Gaya nang kadalasang paalamanan, nagyaya na naman siyang uminom dahil may naitabi raw siyang Carlos I para sa amin.

Hindi na kami nagkaroon nang pagkakataong muling magkabanggaan ng baso at malamang ay si Papa na ang sumasalo nang aking tagay.


Nitong mga nakaraang araw, sinubukan kong kontakin ang ilan sa aming mga kaibigan at kasamahan sa science media upang himukin silang bigyan nang parangal si Tata Flor.

Ayon sa aking kumpareng si Angelo Palmones, isa sa mga bossing sa ABS-CBN at pangulo ng Philippine Science Journalists Inc., binabalak umano nilang gawaran ng parangal si Tata Flor sa national assembly ng PSciJourn sa darating na Hulyo.


Sa pamamagitan ng Facebook, sinegundahan naman ng aming kaibigang si Jess Matubis na ngayo’y nanumbalik na sa NBN (dating PTV-4) ang aking punto na karapat-dapat na tanghalin bilang bayani ng siyensiya at teknolohiya si Tata Flor dahil sa kakaibang sipag at tiyagang kaniyang ibinuhos para lamang mapansin ang mga imbensyong Pinoy.

Eto ang kaniyang tugon sa aking mensahe:

Hi Ares: Yes, I wholeheartedly agree with you that Flor deserves to be honored
by DOST. Not only did he help to promote the inventors Flor was the
indefatigable guy who coordinated with media (me at Channel 4 and Lulu at
VOP/Radyo ng Bayan) and facilitated our requests. I remember our trip to Laguna
and Quezon where we inspected DOST-assisted projects.

Wednesday, 11 March 2009

The DesertBedans debut

(Welcome remarks I delivered during the general induction of members and oath-taking of officers of the San Beda Alumni Association of the United Arab Emirates last 06 March 2009...hinintay ko lang yung picture bago ko 'to pinost)






Vice Consul Edwin Mendoza
Ourgood friend, Mr Art Los Banos, leader of the Filipino Community in Dubai
The Amparado family. Thank you for allowing us into your home.
Members of the San Beda Alumni Association of the UAE
Distinguished guests

On behalf of the officers of the San Beda Alumni Association of the UAE, I welcome you all to the general induction of members and oath-taking of the first set of officers of the SBAA-UAE, now popularly known as the DesertBedans.

Tonight’s event completes the process of realizing a shared dream among Bedans yearning for the unique brand of brotherhood that can only be found in our alma mater.

The coming into being of the DesertBedan community in the UAE was a work in progress that takes us back to the time when the Red Lions ended a 28-year wait for an NCAA senior basketball crown in 2006.

On the night Bedans in Mendiola busted their lungs out shouting ‘Animo San Beda” and “Go San Beda Fight” with bottles of San Mig Light on hand, my classmate, Jojo Amparado, and I were doing the same at the Airport Millenium Hotel – on the eve of Ramadan!

Elsewhere, in a room in Deira, a group of Bedan accountants were doing the same and so was Barry Canlas, who was celebrating by his lonesome in Karama because he thought he was the only Bedan in Dubai.

I’m sure Abet Alba and Joey Hidalgo waxed nostalgic as they recalled the last time they experienced a victory party at Mendiola when Chito Loyzaga, Frankie Lim and the rest of the Red Lions brought home the bacon in 1978.

It was that collective longing for our home in Mendiola and Alabang that pushed us to form the SBAA-UAE.

Of course, we’d like to give credit and thank the people behind Bedista dotcom.

Mike Ramos, our ever humble executive director, was one of the brains behind Bedista.com.

Bedista dotcom was instrumental in putting all these things on fast-track.

A post asking for the whereabouts of Bedans in the UAE in one Bedista dotcom forum led to the discovery that there are Red Lions in this part of the world.

The post ignited the excitement that yeah, it’s high time for us Bedans to come together and watch the Red Lions take the grandslam last season.

And so we had our first-ever powwow between Game 1 and Game 2 of the NCAA Finals last September where we ratified our Constitution and By-laws, followed by the election of our officers last October and subsequent recognition given to us by the Philippine Consulate General.


Let us give Consul Mendoza a big hand to thank them for that.

And now we are gathered here to formally welcome the birth of the SBAA-UAE.

Aside from taking account of each and every Bedan here in the UAE, one of our objectives here is to put up a solid support network especially during these trying times.

It is time for us global Bedans to come together and rise up to the challenge.

Bedans know how to have fun. And we were also raised to help those in need especially if he is a kapamilya or a kapuso.

In closing, allow me to borrow a few lines from the Bedan Hymn, composed by the great Raul Roco.



When we encounter trials and hardships
We shall give you honor and fame
For nothing but these show our loyalty clear
To our Alma Mater’s
name.

Go San Beda Fight!

For more pictures go to http://desertbedans.multiply.com/

Sunday, 8 March 2009

Art for Gaza at ang kahalagahan nang kabuluhan sa buhay

Napapansin ko lang na masyado yatang nagiging artsy-fartsy ang drama ko dito sa Dubya ngayong 2009.

Sinimulan natin sa Wowowee na maaari sigurong maituring na performing art at nasundan naman nang pagdalo natin bilang isa sa mga hurado ng isang essay writing contest sa UIPS at sa pagmimiron naman sa Emirates Airlines International Festival of Literature.
Kamakailan lang ay napadalo naman tayo sa pagbubukas ng Art for Gaza kung saan nag-exhibit ng kani-kanilang mga obra ang ilang mga talentadong tao dito sa Dubai na karamihan ay mga kaopisina ko dito sa XPRESS at Gulf News.




Simple pero may class na dating ang exhibit na isinagawa sa Dubai Community Theatre and Arts Centre sa Mall of the Emirates mula a-tres ng Marso at magtatapos sa kaarawan nang aking unico hijong si Andre sa a-diyes.

Mga likhang kamay ng aking mga kaopisinang mga Mexicano at mga sipat naman ng aking mga kasamahang Indiano at Canadian at dating mga kasambahay na 'di ko na babanggitin ang mga pangalan dahil sikat na sila at mga piling dokumentaryong ginawa ng aming mga kasamahan sa Gulf News na nagtungo mismo sa Gaza noong panahong sumalakay doon ang mga tropang Israeli noong Disyembre ang isinabit sa exhibit area.

Ang mga obra ay isusubasta kung saan ang mga malilikom rito ay ibabahagi sa Palestine Children’s Relief Fund na siya namang kumakalinga sa mga pangangailangan ng mga batang naipit sa kaguluhan sa Occupied Palestine (kung tawagin dito sa Gitnang Silangan).

Kamangha-mangha ang mga obra kung saan makikita o mararamdaman nang manonood ang hinagpis at pasakit na dinaranas ng mga biktima nang kaguluhang tila walang katapusan.

May ilang mga obra naman na walang direktang koneksyon sa Gaza ang nasa exhibit gaya ng mga larawang kuha ng aking mga kasamahang sina Zarina, Karen at Kahlil.

Bagama’t walang kinalaman sa Gaza, ipinakikita naman sa kanilang mga kuha ang iba’t –ibang anggulo ng buhay at tanawin ditto sa UAE.
Palaisipan lang sa akin kung ano ang kinalaman ng mga cartoon at sci-fi movie characters na likha ng mga Amerikano sa tema ng exhibit. Siguro, sila ang representasyon ng mga kontrabida.
Naalala ko tuloy ang aming dinaluhang essay-writing contest kung saan kalahati sa kabuuang panuntunan nang pagtimbang sa mga lahok ang tinatawag na "Relevance" ng sanaysay sa tema.
May mga kalahok sa patimpalak na talagang mahusay magsulat subalit dahil sa lihis sa tema ang kanilang akda, mababa ang kanilang nakuhang puntos sa criteriang "Relevance".
Kahit na magaling ka, kung wala namang kabuluhan ang iyong ginawa o ginagawa, talo ka pa rin sa bandang huli.
Isa na namang aral ng buhay ang ating natutunan.

Tuesday, 3 March 2009

Si Madame Jung, Madame Imelda, Chairman Mao at ang aking pamamasyal sa mall

Isa sa reklamo’t pulang kadalasang marinig sa mga expat dito sa Dubai ang kawalan nang makabuluhang bagay na magawa o mapuntahan.

Bagama’t pilit na ibinabandera ang Dubai bilang sentro ng turismo at kultura sa Gitnang Silangan, wala namang mapuntahan ang mga tao dito kundi ang mga naglalakihang malls.

Medyo may kamahalaan – at kalayuan – kung nais mong gayahin sina Aga at Claudine na magpagulung-gulong sa buhanginan at sumakay sa likod ng kamelyo. Susuka ka rin ng Dh150 pataas o tumataginting na P2,000 o kaya’y isang linggong pananghalian para lang makapag-desert safari.

Nakahihimatay naman ang mag-weekend sa isa sa mga pamosong hotel rito kung saan mabibigyan ka nang pagkakataong magbuhay-hari – lumapang hanggang sa sumabog ang tiyan sa kabusugan, mamangka sa isang pribadong lawa, maupo sa tronong yari sa ginto at magmuni-muni sa isa sa mga kapihan sa tuktok nang nag-iisang 7-star hotel sa mundo – kung saan umaabot raw sa Dh4,000 o P53,000 kada araw ang bayad [Pssst bok…si Joey de Leon daw naispatan sa Atlantis].


Kaya nga’t sa tuwing papalo ang weekend (kadalasang nagsisimula tuwing Biyernes) o day off, tanging pamamasyal lamang sa mall ang nagiging libangan nang karaniwang tao rito.

At ano naman ang magagawa mo sa mall? Mamili at kumain. Sa madaling salita: gumasta! Waldasin ang pinaghirapang dirham!


‘Yan ang mall culture na maging sa ating lupang sinilangan ay unti-unti na ring pumapasok sa diwa ni Juan dela Cruz.

Subalit kamakailan lang ay naging kakaiba ang aking mall experience.


Matapos naming tumayong hurado sa isang inter-Filipino schools essay writing contest na ginanap sa United International Private School, nayakag ako ni Jay na dumalo sa isang sesyon sa Emirates Airlines International Festival of Literature na ginanap sa Dubai Festival City (ang akin ngayong paboritong mall dito sa Dubai).


Kami nina Consul Butch Bandillo, Butch Franco at Jay Hilotin kasama ang mga batang manunulat

Kung ikaw ay isa sa kung tawagin ay “book worm,” masasabi mong isang paraiso ang EAIFL.


Maihahalintulad ang EAIFL sa isang sikat na film festival gaya ng Cannes kung ika’y mahilig sa pelikula o kaya’y isang double-header game day sa PBA o NBA kung basketball naman ang nagpapayanig sa buhay mo.

Nagsidatingan sa EAIFL ang ilan sa mga batikang manunulat na hinangaan sa buong mundo dahil sa kanilang mga obra.




Mahilig ako sa libro pero wala pa rin akong karapatang matawag na isang “book worm.”


Marami akong libro, pero karamihan ay hindi ko pa nababasa o nasimulan lang pero hindi ko magawang tapusin gaya ng librong Road Work na isinulat ng mamamahayag na si Mark Bowden na ipinamana naman sa akin nang aking kaibigang si Joe Torres na isa ring kinikilalang mamamahayag na sumulat ng Into The Mountains: Hostaged by the Abu Sayyaf na naging bestseller sa National Book Store.




Maraming pasikut-sikot ang daan mula sa basement parking ng DFC hanggang sa makarating kami sa isang bulwagan sa Intercontinental Hotel kung saan ginanap ang balitaktakan.

Masyadong nakawiwili ang DFC. Sa tindi ng mga tanawin dito, hindi namin mapigilan ni Mariecar Jara ng Gulf Today na magpa-picture dahil sa pareho lang kaming paminsan-minsan lang makalabas nang aming mga lungga.




Kami ni Mariecar sa marina ng DFC


Eniwey, napasugod nga kami nina Jay sa sesyon nang manunulat na si Jung Chang, ang may akda ng Wild Swans at Mao: The Unknown Story.


Naging interesado ako kay Jung Chang dahil sa ako ang naatasang gumawa ng kaniyang bio sketch sa feature spread tungkol sa festival na aming inilabas sa XPRESS.

Bukod rito, siya lang ang nag-iisang awtor mula sa Oriental Asia dahil sa karamihan sa mga naimbitahang manunulat ay mga Europeo o kaya’y mga Arabo.


Nang una kong makita ang larawan ni Jung Chang habang nangangalap ako ng materyales para sa kaniyang bio-sketch, hindi maiwasang manumbalik sa aking isipan ang mga eksena mula sa pelikulang Joy Luck Club na hango naman sa nobela ni Amy Tan.


Ang Wild Swans na inilimbag noong 1992 ay hango mismo sa totoong buhay ni Jung Chang at sa kaniyang ina at lola at kung ano ang kanilang kinagisnang buhay sa Tsina.


Sa biglang pag-aanalisa, parang magkarugtong ang takbo nang Wild Swans at Joy Luck Club na tungkol naman sa buhay ng apat na pamilyang Tsino at kung paano sila napadpad bilang mga migrante sa Amerika.


Gaya ng panimula nang artikulo ni Jay sa XPRESS, ang mga awtor na gaya ni Jung Chang ay mga ordinaryong taong may kakaibang mga kuwento.


Angat lang sa ordinaryong tao ang mga manunulat dahil sa may kakayanan silang maisulat sa pamamagitan ng lapis at papel o sa modernong konteksto – itipa sa keyboard – ang kanilang mga kuwento.


Sa aking pananaw, mas nakakagilalas ang kuwento ni Jung Chang dahil sa hindi kathang-isip ang kaniyang mga itinala.


Mas mahirap at medyo makabagbag-damdamin ang balikan o saliksikin ang nakaraan sa iyong sariling buhay dahil may mga bagay na ayaw mo na sanang gunitain subalit hindi mo naman maisantabi o tuluyang ibaon sa limot dahil isa itong kritikal na aspeto ng iyong pagkatao.


Hindi ko pa nababasa ang Wild Swans ni Jung Chang subalit parang nararamdaman ko ang paninikip nang kaniyang dibdib habang kaniyang inilalahad kung paano ipinagbili ng kaniyang sariling ama ang kaniyang lola sa isang makapangyarihang heneral nang dahil sa labis na kahirapan.







Mas maraming oras ang ginugol ni Jung Chang sa pagtalakay kung paano nila nabuo ng kaniyang asawang si Jon Halliday ang librong Mao: The Unknown Story.



Unang tinalakay ni Jung kung bakit nabago ang kaniyang pananaw sa lipunang nais buohin ni Chairman Mao.




Ayon kay Jung, katorse anyos siya nang magsimula niyang pagdudahan o kuwestyunin ang mga prinsipyo’t kalakarang ipinatutupad ni Mao sa Tsina. Nagbubunot siya ng damo – dahil sa ipinagbawal raw ang pag-aalaga ng halaman dahil sa ang gardening ay isang uri umano ng burgis na gawain – nang mamulat ang kaniyang mga mata sa katotohanan.

Kabilang rin ang pamilya ni Jung sa mga hayagang inalipusta noong panahon ng Cultural Revolution kung saan pinaluhod pa umano ng mga loyalista ni Mao sa graba ang kaniyang ama habang may nakasabit na karatula sa leeg nito.


Inilahad rin niya kung paano siya sapilitang pinagtrabaho bilang electrician bagama’t wala siyang kaalaman rito dahil sa isa rin umano ito sa mga ipinatupad na polisiya sa paggawa ni Mao. Dahil dito, makailang-beses umanong nakuryente si Jung sa panahong nagsilbi siyang electrician kung kaya’t hindi niya ito kailanman makalimutan.

Sa kanilang pananaliksik sa buhay ni Mao, maraming personalidad ang kanilang nakapanayam at inilahad naman ni Jung Chang ang ilang kuwento sa likod kung paano nila nasungkit ang mga interview.


Nasa Hong Kong sina Jung at asawang si Jon nang mabalitaan nilang naroroon rin sa kanilang tinuluyang hotel ang noo’y lider ng bansang Zaire na si Mobutu Sese Seko na sinasabing naimpluwensiyahan nang husto ni Mao.


Nais umano ni Jon na samantalahin ang pagkakataon at hanapan nang paraan na makapanayam nila si Mobutu subalit umangal na si Jung dahil sa pagod na pagod na siya sa maghapong pagtatrabaho at nais naman niyang mag-relax.


Nagpapaayos nang kaniyang buhok at nagpapa-manicure si Jung nang biglang pumasok sa salon ng hotel si Mobutu na pinaupo naman sa kaniyang tabi.


Nabigla si Jung Chang sa takbo nang pangyayari kung kaya’t sinamantala na nila ang pagkakataong mistula nilang bihag si Mobutu na kanilang kinapanayam habang nagpapa-parlor.


Umapaw naman ang halakhakan nang mapunta ang kuwento ni Jung Chang kay Imelda Marcos na limang oras nilang na-interview.


Ayon kay Jung, ang relasyon nina Mao at Jung ay matatawag na “flirtatious” o may halong landian dahil sa mistulang nabuhay ang diwa ni Mao at naging kakaiba ang liksi nito nang makita si Madame Imelda nang dumalaw ito sa Beijing.


Madalas ibida noon ni Pangulong Marcos ang mga matagumpay na diplomatic mission ni Madame Imelda at kabilang na rito ang pakikipagkita ng Unang Ginang kay Mao. Maging sa mga biography at dokumentaryo sa buhay ni Imelda, always present ang mga larawan at video footage nila ni Mao.


Noong dumalaw umano si Imelda kay Mao, mahigpit umano ang bilin ng mga opisyales sa mga maniniyot (photographer) na ingatang huwag makukunan ng larawang malalagay sa alanganin ang Chinese leader.




Subalit nakalusot ang larawan nang paghalik ni Mao sa kamay ni Imelda – na isa umano sa mga ipinagbabawal na gawin ng lalaki sa isang babae sa ilalim ng kaniyang polisiya – hindi naman tumigil sa pagkuha ng footage ang mga TV cameramen at ang screen grab nito ang pinagmulan nang alingasngas sa Tsina.


Marami pa sanang maaaring ikuwento si Jung Chang subalit kinailangan nang tapusin ang sesyon.

Hindi naman ito naging balakid para makasikwat kami ni Jay nang ilan pang minutong pakikipagkuwentuhan kay Jung.




Habang pinapapirmahan namin ang aming mga kopya ng Wild Swans at Mao, na-interview namin si Jung kung saan akin siyang tinanong kung sinubukan ba nilang tumbukin ang relasyon ni Mao sa Communist Party of the Philippines.

Medyo nabigla si Jung sa tanong at sinabing hindi sumagi sa kanilang isipan na isali sa kuwento ang CPP.

Nang tanungin naman ni Jay si Jung kung ano ang dapat gawin para maiwasang muling makaupo sa poder ang isang lider ni gaya ni Mao Zedong, sumagot si Jung na:

“It’s democracy - liberal democracy - and the other things that come with it.
When things are more transparent and holds the people and leaders to account,
everyone has the chance to be recognised.”

-oOo-

Kung hindi lang talaga gahol sa oras at problema ang sasakyan pauwi, masarap pa sanang manatili sa Festival of Literature dahil nga sa marami pang kuwentong kagaya nang kay Jung Chang ang maaaring masagap rito.

Sa aking paglabas sa bulwagan, namangha ako nang makasabay ko sa paglalakad si Robin Sharma, ang sumulat ng international bestseller na The Monk Who Sold His Ferrari at Who Will Cry When You Die? na noo’y papunta sa pila para sa kaniyang book-signing session.




Eto ang napakaliit na picture ni Robin Sharma


Napahanga ako sa istilo ni Sharma na imbes na hayaang lumarga ang pila habang naghihintay lang sana sa isang upuan ang awtor para lagdaan ang kaniyang libro, inisa-isa niyang lapitan ang mga taong nakapila para na rin personal niyang makausap ang kaniyang mga readers at fans.

Siya mismo ang lumapit sa mga taong nagpapa-angat sa kaniya. Isang simple’t magandang halimbawa.


Kakaiba talaga ang aking naging weekend mall experience. Sana’y ganitong klaseng culture ang ating natututunan sa mga mall. Kulturang yayaman ang ating isipan at pagkatao at hindi yung tayo ang maghihirap upang yumaman ang mga may-ari ng mall.