Kahapon pa ako nanggagalaiting sulatin ito bilang reaksyon sa nakaka-imbiyernang balitang ipinadala sa akin ng aking kaibigang si Lalaine Chu Benitez, ang patnugot ng de-kalidad na magasing Illustrado.
Ito’y patungkol sa isang Boyet Fajardo na isa umanong pamosong fashion designer na diumano’y gumawa nang eksena sa Duty Free.
Nagwala raw itong si Fajardo sa Duty Free dahil sa hiningan umano siya ng ID para beripikahin ang kaniyang pagkakakilanlan habang nagbabayad nang kaniyang pinamili dahil ito raw ang pamantayang hakbang sa tuwing may nagbabayad gamit ang credit card. Hindi ko na idedetalye kung ano pa ang mga sumunod na eksena dahil sa siguradong nagkalat na ito sa internet.
Ang dagliang reaksyon ko sa e-mail ni Lalaine ay “Sino ba tong Boyet Fajardo na ito?” Sikat ba siya?
Bagama’t tatlong taon na akong nangingibang-bansa, hindi naman ako nagpapahuli sa mga pangyayari sa aking bayang sinilangan. At ngayon ko lang rin narinig ang pangalang Boyet Fajardo.
Ang tanging alam kong Fajardo ay yung welding shop malapit sa bahay namin sa Galas at kung di ako nagkakamali ay ganito rin ang apelyido ng isang babaing minsang binalak kong pormahan noong panahong wala pang piso ang pamasahe sa jeep.
Pasintabi sa aking mga kaibigang marino pero mas maikakabit ko pa ang Boyet Fajardo bilang pangalan ng isang seaman kesa sa isang fashion designer.
Ang inasal ni Fajardo – kung sino man siya – ay hindi nalalayo sa insidente sa call center ng Citibank na ipinarinig sa akin ng aking kaibigang si Earl noong isang linggo kung saan isang babaing “big time” ang nagwala habang kausap ang isang call center agent dahil sa hindi niya ma-withdraw ang kaniyang kayamanan sa ATM ng naturang bangko.
Hindi ko maiwasang mapagdikit ang dalawang insidente dahil sa napapansin kong tila lumalala na ang baltik sa ulo ng mga Pinoy.
Gaya ni Fajardo, marami tayong kababayang nag-aasal langaw na napakalaki na ang tingin sa sarili dahil lamang sa nakadapo ang mga ito sa isang kalabaw.
Ilang insidente na rin ang aking nasaksihan kung saan pumipitik ang isang “naapi” ng tanong na “Hindi mo ba ako kilala?” kasunod nang pagbanggit ng mga taong may powers sa layong masindak ang mga “nang-api” sa kaniya.
Ang insidenteng kinasangkutan ni Fajardo at maging nang Citibank customer na nawawala sa sarili ay epekto na marahil nang sistemang “palakasan” na bumalot at nakagisnan na sa ating lipunan.
Tumatak na marahil sa isipan ng mga Pinoy na maaaring malusutan o baliin ang batas kapag ika’y “big time” o malakas o may nasasandalang pader na puwedeng sumangga sa iyo.
Karaniwan na rin sa mga motoristang Pinoy ang may kipkip na “panangga” sa kani-kanilang mga lisensiya – calling card ni kernel o general o kahit ni Bayani Fernando – o kaya’y “anting-anting” sa sasakyan gaya ng sticker ng kung ano-anong “malalakas” na ahensya gaya ng Malacanang, MMDA, PNP, DOJ, NBI o commemorative plate ng AFP, PNPA, PMA etc. etc..
Hindi na rin tayo masyadong nayayanig sa tuwing makakarinig nang kung ano-anong alingasngas na kinasangkutan ng anak ni congressman, pamangkin ni konsehal, inaanak ni mayor o apo ni general.
At sa kaso ni Boyet Fajardo…. kaibigan raw ng modista ni Gloria.
Kaya’t tama lang ginawa ng mga mga empleyado ng Duty Free na mag-ingay at ipaalam sa madla ang kawalan ng kagandahang asal at pagre-reyna-reynahan nitong si Fajardo.
Hindi maitatama ang isang mali kung walang kikilos laban dito.
At sakali sanang umusad na ang proseso nang kanilang ginagawang pagkilos, huwag sanang gayahin ng mga naaping empleyado ng Duty Free ang putatsing na si Nicole na ipinagpalt ang kaniyang dignidad para lang magpakaligaya sa kaniyang land of milk and honey.
No comments:
Post a Comment