Bagama’t pilit na ibinabandera ang Dubai bilang sentro ng turismo at kultura sa Gitnang Silangan, wala namang mapuntahan ang mga tao dito kundi ang mga naglalakihang malls.
Medyo may kamahalaan – at kalayuan – kung nais mong gayahin sina Aga at Claudine na magpagulung-gulong sa buhanginan at sumakay sa likod ng kamelyo. Susuka ka rin ng Dh150 pataas o tumataginting na P2,000 o kaya’y isang linggong pananghalian para lang makapag-desert safari.
Nakahihimatay naman ang mag-weekend sa isa sa mga pamosong hotel rito kung saan mabibigyan ka nang pagkakataong magbuhay-hari – lumapang hanggang sa sumabog ang tiyan sa kabusugan, mamangka sa isang pribadong lawa, maupo sa tronong yari sa ginto at magmuni-muni sa isa sa mga kapihan sa tuktok nang nag-iisang 7-star hotel sa mundo – kung saan umaabot raw sa Dh4,000 o P53,000 kada araw ang bayad [Pssst bok…si Joey de Leon daw naispatan sa Atlantis].
Kaya nga’t sa tuwing papalo ang weekend (kadalasang nagsisimula tuwing Biyernes) o day off, tanging pamamasyal lamang sa mall ang nagiging libangan nang karaniwang tao rito.
At ano naman ang magagawa mo sa mall? Mamili at kumain. Sa madaling salita: gumasta! Waldasin ang pinaghirapang dirham!
‘Yan ang mall culture na maging sa ating lupang sinilangan ay unti-unti na ring pumapasok sa diwa ni Juan dela Cruz.
Subalit kamakailan lang ay naging kakaiba ang aking mall experience.
Matapos naming tumayong hurado sa isang inter-Filipino schools essay writing contest na ginanap sa United International Private School, nayakag ako ni Jay na dumalo sa isang sesyon sa Emirates Airlines International Festival of Literature na ginanap sa Dubai Festival City (ang akin ngayong paboritong mall dito sa Dubai).
Kami nina Consul Butch Bandillo, Butch Franco at Jay Hilotin kasama ang mga batang manunulat
Kung ikaw ay isa sa kung tawagin ay “book worm,” masasabi mong isang paraiso ang EAIFL.
Maihahalintulad ang EAIFL sa isang sikat na film festival gaya ng Cannes kung ika’y mahilig sa pelikula o kaya’y isang double-header game day sa PBA o NBA kung basketball naman ang nagpapayanig sa buhay mo.
Nagsidatingan sa EAIFL ang ilan sa mga batikang manunulat na hinangaan sa buong mundo dahil sa kanilang mga obra.
Mahilig ako sa libro pero wala pa rin akong karapatang matawag na isang “book worm.”
Marami akong libro, pero karamihan ay hindi ko pa nababasa o nasimulan lang pero hindi ko magawang tapusin gaya ng librong Road Work na isinulat ng mamamahayag na si Mark Bowden na ipinamana naman sa akin nang aking kaibigang si Joe Torres na isa ring kinikilalang mamamahayag na sumulat ng Into The Mountains: Hostaged by the Abu Sayyaf na naging bestseller sa National Book Store.
Maraming pasikut-sikot ang daan mula sa basement parking ng DFC hanggang sa makarating kami sa isang bulwagan sa Intercontinental Hotel kung saan ginanap ang balitaktakan.
Masyadong nakawiwili ang DFC. Sa tindi ng mga tanawin dito, hindi namin mapigilan ni Mariecar Jara ng Gulf Today na magpa-picture dahil sa pareho lang kaming paminsan-minsan lang makalabas nang aming mga lungga.
Kami ni Mariecar sa marina ng DFC
Eniwey, napasugod nga kami nina Jay sa sesyon nang manunulat na si Jung Chang, ang may akda ng Wild Swans at Mao: The Unknown Story.
Naging interesado ako kay Jung Chang dahil sa ako ang naatasang gumawa ng kaniyang bio sketch sa feature spread tungkol sa festival na aming inilabas sa XPRESS.
Bukod rito, siya lang ang nag-iisang awtor mula sa Oriental Asia dahil sa karamihan sa mga naimbitahang manunulat ay mga Europeo o kaya’y mga Arabo.
Nang una kong makita ang larawan ni Jung Chang habang nangangalap ako ng materyales para sa kaniyang bio-sketch, hindi maiwasang manumbalik sa aking isipan ang mga eksena mula sa pelikulang Joy Luck Club na hango naman sa nobela ni Amy Tan.
Ang Wild Swans na inilimbag noong 1992 ay hango mismo sa totoong buhay ni Jung Chang at sa kaniyang ina at lola at kung ano ang kanilang kinagisnang buhay sa Tsina.
Sa biglang pag-aanalisa, parang magkarugtong ang takbo nang Wild Swans at Joy Luck Club na tungkol naman sa buhay ng apat na pamilyang Tsino at kung paano sila napadpad bilang mga migrante sa Amerika.
Gaya ng panimula nang artikulo ni Jay sa XPRESS, ang mga awtor na gaya ni Jung Chang ay mga ordinaryong taong may kakaibang mga kuwento.
Angat lang sa ordinaryong tao ang mga manunulat dahil sa may kakayanan silang maisulat sa pamamagitan ng lapis at papel o sa modernong konteksto – itipa sa keyboard – ang kanilang mga kuwento.
Sa aking pananaw, mas nakakagilalas ang kuwento ni Jung Chang dahil sa hindi kathang-isip ang kaniyang mga itinala.
Mas mahirap at medyo makabagbag-damdamin ang balikan o saliksikin ang nakaraan sa iyong sariling buhay dahil may mga bagay na ayaw mo na sanang gunitain subalit hindi mo naman maisantabi o tuluyang ibaon sa limot dahil isa itong kritikal na aspeto ng iyong pagkatao.
Hindi ko pa nababasa ang Wild Swans ni Jung Chang subalit parang nararamdaman ko ang paninikip nang kaniyang dibdib habang kaniyang inilalahad kung paano ipinagbili ng kaniyang sariling ama ang kaniyang lola sa isang makapangyarihang heneral nang dahil sa labis na kahirapan.
Mas maraming oras ang ginugol ni Jung Chang sa pagtalakay kung paano nila nabuo ng kaniyang asawang si Jon Halliday ang librong Mao: The Unknown Story.
Unang tinalakay ni Jung kung bakit nabago ang kaniyang pananaw sa lipunang nais buohin ni Chairman Mao.
Ayon kay Jung, katorse anyos siya nang magsimula niyang pagdudahan o kuwestyunin ang mga prinsipyo’t kalakarang ipinatutupad ni Mao sa Tsina. Nagbubunot siya ng damo – dahil sa ipinagbawal raw ang pag-aalaga ng halaman dahil sa ang gardening ay isang uri umano ng burgis na gawain – nang mamulat ang kaniyang mga mata sa katotohanan.
Kabilang rin ang pamilya ni Jung sa mga hayagang inalipusta noong panahon ng Cultural Revolution kung saan pinaluhod pa umano ng mga loyalista ni Mao sa graba ang kaniyang ama habang may nakasabit na karatula sa leeg nito.
Inilahad rin niya kung paano siya sapilitang pinagtrabaho bilang electrician bagama’t wala siyang kaalaman rito dahil sa isa rin umano ito sa mga ipinatupad na polisiya sa paggawa ni Mao. Dahil dito, makailang-beses umanong nakuryente si Jung sa panahong nagsilbi siyang electrician kung kaya’t hindi niya ito kailanman makalimutan.
Sa kanilang pananaliksik sa buhay ni Mao, maraming personalidad ang kanilang nakapanayam at inilahad naman ni Jung Chang ang ilang kuwento sa likod kung paano nila nasungkit ang mga interview.
Nasa Hong Kong sina Jung at asawang si Jon nang mabalitaan nilang naroroon rin sa kanilang tinuluyang hotel ang noo’y lider ng bansang Zaire na si Mobutu Sese Seko na sinasabing naimpluwensiyahan nang husto ni Mao.
Nais umano ni Jon na samantalahin ang pagkakataon at hanapan nang paraan na makapanayam nila si Mobutu subalit umangal na si Jung dahil sa pagod na pagod na siya sa maghapong pagtatrabaho at nais naman niyang mag-relax.
Nagpapaayos nang kaniyang buhok at nagpapa-manicure si Jung nang biglang pumasok sa salon ng hotel si Mobutu na pinaupo naman sa kaniyang tabi.
Nabigla si Jung Chang sa takbo nang pangyayari kung kaya’t sinamantala na nila ang pagkakataong mistula nilang bihag si Mobutu na kanilang kinapanayam habang nagpapa-parlor.
Umapaw naman ang halakhakan nang mapunta ang kuwento ni Jung Chang kay Imelda Marcos na limang oras nilang na-interview.
Ayon kay Jung, ang relasyon nina Mao at Jung ay matatawag na “flirtatious” o may halong landian dahil sa mistulang nabuhay ang diwa ni Mao at naging kakaiba ang liksi nito nang makita si Madame Imelda nang dumalaw ito sa Beijing.
Madalas ibida noon ni Pangulong Marcos ang mga matagumpay na diplomatic mission ni Madame Imelda at kabilang na rito ang pakikipagkita ng Unang Ginang kay Mao. Maging sa mga biography at dokumentaryo sa buhay ni Imelda, always present ang mga larawan at video footage nila ni Mao.
Noong dumalaw umano si Imelda kay Mao, mahigpit umano ang bilin ng mga opisyales sa mga maniniyot (photographer) na ingatang huwag makukunan ng larawang malalagay sa alanganin ang Chinese leader.
Subalit nakalusot ang larawan nang paghalik ni Mao sa kamay ni Imelda – na isa umano sa mga ipinagbabawal na gawin ng lalaki sa isang babae sa ilalim ng kaniyang polisiya – hindi naman tumigil sa pagkuha ng footage ang mga TV cameramen at ang screen grab nito ang pinagmulan nang alingasngas sa Tsina.
Marami pa sanang maaaring ikuwento si Jung Chang subalit kinailangan nang tapusin ang sesyon.
Hindi naman ito naging balakid para makasikwat kami ni Jay nang ilan pang minutong pakikipagkuwentuhan kay Jung.
Habang pinapapirmahan namin ang aming mga kopya ng Wild Swans at Mao, na-interview namin si Jung kung saan akin siyang tinanong kung sinubukan ba nilang tumbukin ang relasyon ni Mao sa Communist Party of the Philippines.
Medyo nabigla si Jung sa tanong at sinabing hindi sumagi sa kanilang isipan na isali sa kuwento ang CPP.
Nang tanungin naman ni Jay si Jung kung ano ang dapat gawin para maiwasang muling makaupo sa poder ang isang lider ni gaya ni Mao Zedong, sumagot si Jung na:
“It’s democracy - liberal democracy - and the other things that come with it.
When things are more transparent and holds the people and leaders to account,
everyone has the chance to be recognised.”
-oOo-
Kung hindi lang talaga gahol sa oras at problema ang sasakyan pauwi, masarap pa sanang manatili sa Festival of Literature dahil nga sa marami pang kuwentong kagaya nang kay Jung Chang ang maaaring masagap rito.
Sa aking paglabas sa bulwagan, namangha ako nang makasabay ko sa paglalakad si Robin Sharma, ang sumulat ng international bestseller na The Monk Who Sold His Ferrari at Who Will Cry When You Die? na noo’y papunta sa pila para sa kaniyang book-signing session.
Eto ang napakaliit na picture ni Robin Sharma
Napahanga ako sa istilo ni Sharma na imbes na hayaang lumarga ang pila habang naghihintay lang sana sa isang upuan ang awtor para lagdaan ang kaniyang libro, inisa-isa niyang lapitan ang mga taong nakapila para na rin personal niyang makausap ang kaniyang mga readers at fans.
Napahanga ako sa istilo ni Sharma na imbes na hayaang lumarga ang pila habang naghihintay lang sana sa isang upuan ang awtor para lagdaan ang kaniyang libro, inisa-isa niyang lapitan ang mga taong nakapila para na rin personal niyang makausap ang kaniyang mga readers at fans.
Siya mismo ang lumapit sa mga taong nagpapa-angat sa kaniya. Isang simple’t magandang halimbawa.
Kakaiba talaga ang aking naging weekend mall experience. Sana’y ganitong klaseng culture ang ating natututunan sa mga mall. Kulturang yayaman ang ating isipan at pagkatao at hindi yung tayo ang maghihirap upang yumaman ang mga may-ari ng mall.
No comments:
Post a Comment