Sunday, March 15, 2009

eMo :(

Ilang araw na akong balisa.


Tamang “senti” o kung sa lenguaheng bagets ngayon, tamang “emo” baga.


Second nature na nga yata sa mga migranteng gaya ko ang palagiang tamang “emo”. Mahirap ipaliwanag at mahirap rin intindihin ng mga “normal” na tao kung gaano katindi ang “emo” level ng isang OFW.

Parang gusto mong isumpa ang mundo at isumpa na rin ang sarili mo kung bakit ka lumayo sa bayang kinagiliwan subalit sa tinagal-tagal ko na sa ganitong buhay, natuto na rin akong mag “cool down” at pigilan ang pag-alagwa ng kalungkutan dahil baka kung saan pa mapunta ang sobrang kaburyungan.

Maaari sigurong sabihin na maihahalintulad kaming mga OFW sa isang payasong namatayan.
Nakatawa o masaya ang anyong panlabas kahit na nagluluksa at tila pinupunit ang kalooban.
Mga bagay na maaaring sabihing isang komedya kung dati mo na akong kakilala.

Senti ako dahil sa ikatlong magkakasunod na pagkakataon ay wala na naman ako nang magdiwang ng kaniyang kaarawan ang aking unico hijong si Andre.



Siyam na taong gulang na ang baby boy ko noong Marso 10. Huling birthday niyang single digit at sa susunod na taon ay papalapit na sa pagiging binatilyo.


Marami na ring pinagbago ang aking “mini me”.

Kung dati-rati’y Beyblade at B-Daman ang kaniyang nilalaro noong huling panahong magkasama pa kami, ngayon ay PSP at basketball na ang kaniyang nakahihiligan.


Dahil na rin dito, nabilihan ko si Andre ng basketbolan at nakapanood pa kami ng live na PBL
game sa San Beda. Halos araw-araw rin kaming naglalaro ng basketball sa aming garahe.


Sa hindi ko maintindihang dahilan, naging fan si Andre ng Charlotte Bobcats na bagama’t hindi kalakasang koponan sa NBA ay siya namang kaniyang pilit na minamaniobrang manalo sa kaniyang PSP.

Kamakailan lang ay naikuwento pa niya sa akin kung paano siya napabilib sa Alaska Aces nang mapanood niya ang laro nito kung saan bumangon ang koponan ni Tim Cone sa pagkakatambak at mapanalunan ang isang krusyal na laro sa nakaraang PBA Fiesta All-Filipino Conference.


Kinailangan lang naming rendahan ang kaniyang pagkahilig sa basketball nang minsan niyang balaking magdeklara ng “holiday” para makapanood lang ng NBA All-Stars.

Napapabuntung-hininga na lang ako sa tuwing maiisip na malamang ay madalas kaming magkasama sa panonood ng mga laro lalo pa’t naging isang basketball powerhouse ang aking alma mater.


Siguradong mamimilog ang mga mata ng aking Andre sa pagkamangha kapag naipakilala ko pa sa kaniya nang personal ang ilan sa aking mga kaibigang malayo na rin ang narating sa larangang ito bilang mga player, coach o commentator.

Kaya’t sakaling makita niyo akong nakatanga at tila nagmumukmok, pagpasensiyahan niyo na ako’t “emo” moments ko yun.


Malamang ay nangangarap na naman akong nakikipag-one-on-one sa aking unico hijo.

-oOo-

Isa pang dahilan nang aking pagsisintir ang pagpanaw kamakailan ng isang kaibigan – si Florencio Ramos -- isang PR man na mas kilala sa maliit na sirkulo ng mga developmental communicators bilang Tata Flor o Mang Floring.

Kakaiba ang aming pagkakaibigan ni Tata Flor dahil sa naging dabarkads rin pala nito ang aking Papa.

Blog ko naman ito kaya’t hayaan niyo na akong magkuwento.

Una kong nakilala si Tata Flor noong ako’y naging patnugot ng AgriScope, isang magasing tungkol sa pagsasaka at mga negosyo’t bagay-bagay na may kinalaman sa agrikultura, noong 1993 (Sa mga mahilig magbilang, 23 taong gulang po ako noong mga panahong yaon).

Isang araw na tagaktak ang pawis naming binubuo ang isang isyu ng magasin sa aming opisina sa basement ng Cityland building sa Buendia, may dumating na matandang long hair na naka-polo barong at hinahanap raw kung sino na ang bagong editor ng AgriScope.


Pinatuloy ng aming editorial assistant na si Jun Cangao ang bisita at di naglaon ay nagkakilala rin kami. Siya nga raw si Flor Ramos at tinutulungan niya ang PCARRD (Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development), isang ahensya ng Department of Science and Technology, sa pagpapakalat ng kanilang mga press releases.

Gaya ng isang karaniwang PR man, madaldal si Tata Flor. Subalit kakaiba ang kaniyang dating sa amin. Hindi siya nambobola.


Walang halong ek-ek ang kaniyang mga sinasabi at tunay ang kaniyang pakikipagpkaibigan sa amin hindi kagaya ng karamihan sa mga PR practitioners na plastic at kaya lang magiliw ay dahil sa may kailangan sila sa iyo.Nagyaya rin si Tata Flor na makipagbarikan o kaya’y makapamasyal sa tanggapan ng PCARRD sa Los Banos.

Mula noon ay naging madalas na ang aming pagkikita – kadalasan sa mga media events na inoorganisa ng Science and Technology Information Institute para sa DOST at ng mga ahensiya nito.


Minsan rin naming pinaunlakan ang masigasig na imbitasyon ni Tata Flor na magbarikan sa isang tagong dampa malapit sa Ospital ng Makati.

Sa aming pagkukuwentuhan, nalaman kong Bikolano pala si Tata Flor at matagal nang tumutulong sa mga imbentor.


NSDB pa nga raw o National Science Development Board at wala pang DOST ay nariyan na siya para tulungang i-promote ang mga imbensyong Pinoy.

Naipakita rin niya sa akin ang laman ng kaniyang palagiang kipkip na plastic envelope kung saan nakasilid ang clippings ng kaniyang mga naipalabas na istorya tungkol sa mga imbentor at ilang mga larawang kasama ang kung sino-sinong mga talentadong tao gaya ng dating pangulo ng Filipino Inventors Society na si Ronnie Pasola – ang utak sa likod ng larong Games of the Generals – at Dr. Jovito Deauna na siya namang lumikha ng isang water filtration system na kilala bilang Aquaclean.


May mga naninilaw na larawan rin siya habang kasama sina Gerry Geronimo, host ng Ating Alamin, isang agribusiness TV show, at Cecille Garrucho ng Tele-Aralan.

Si Tata Flor rin ang punong-abala nang maghatak ng mga mamamahayag ang noo'y Science Secretary Ricardo Gloria sa kaniyang pag-iinspeksyon ng mga proyekto ng DOST sa Laguna at Quezon.

Lalo kaming napalapit sa isa’t isa ni Tata Flor nang aksidente kong malaman ang kaniyang kaugnayan sa aking Papa.


Wala na ako sa mainstream media at noo’y nagtatrabaho sa media bureau ng Lakas-Laban coalition noong panahon ng halalan noong 1995 nang mapadalaw si Tata Flor sa aming tanggapan sa BF Condominium sa Aduana. (Karamihan sa mga PR ay wala nang paki sa'yo kapag nawala ka na sa poder).

Pababa na kami nang hagdan para kumain sa labas nang bigla niya akong tanungin kung saan raw ang aking probinsiya.


Gaya nang kadalasang tugon ko sa mga ganiyang tanong, sinasabi kong ipinanganak ako sa Maynila at lumaki sa Quezon City subalit ang aking Mama ay mula sa Bohol at ang aking Papa ay mula sa Masbate.

Napatigil si Tata Flor at nag-usisa kung saan daw sa Masbate nagmula ang Papa ko. Nang sabihin kong sa bayan ng San Jacinto … napadilat ang kaniyang mata, sabay tanong kung kaano-ano ko si Al (palayaw ng aking tatay).

Nang sabihin ko sa kaniyang tatay ko ang kaniyang tinutukoy, napa-jab si Tata Flor sa aking balikat. Magkabarkada raw sila ni Papa (Mga mata ko naman ang nanlaki).

Magkaklase raw sila ni Papa sa high school sa Southern Luzon Institute sa Bulan, Sorsogon at tunay na magkasanggang-dikit. Marami siyang naikuwento sa akin tungkol sa aking ama. Madalas rin umano siyang dumalaw sa opisina ni Papa sa GSIS noong nasa Aroceros pa ito.

Mula noon ay kaakibat na ang kuwentong yaon sa tuwing may mga okasyong nagpapakilala kami sa mga taong nakakasalamuha namin.


Matagal-tagal pang panahon ang naging pagkakaibigan namin ni Tata Flor.

Mula DOST, napunta siya sa PCSO kung saan naging bossing naman niya ang aking favourite teacher sa high school na si Roger Ramirez.


Huli kaming nagkasama ni Tata Flor sa birthday celebration ni Mr. Ramirez na ginanap sa isang bakanteng lote sa likod ng Q.I. noong 2004. Naihatid ko pa siya sa kanilang bahay sa Cubao matapos ang barikang umabot nang dis-oras ng gabi.

Gaya nang kadalasang paalamanan, nagyaya na naman siyang uminom dahil may naitabi raw siyang Carlos I para sa amin.

Hindi na kami nagkaroon nang pagkakataong muling magkabanggaan ng baso at malamang ay si Papa na ang sumasalo nang aking tagay.


Nitong mga nakaraang araw, sinubukan kong kontakin ang ilan sa aming mga kaibigan at kasamahan sa science media upang himukin silang bigyan nang parangal si Tata Flor.

Ayon sa aking kumpareng si Angelo Palmones, isa sa mga bossing sa ABS-CBN at pangulo ng Philippine Science Journalists Inc., binabalak umano nilang gawaran ng parangal si Tata Flor sa national assembly ng PSciJourn sa darating na Hulyo.


Sa pamamagitan ng Facebook, sinegundahan naman ng aming kaibigang si Jess Matubis na ngayo’y nanumbalik na sa NBN (dating PTV-4) ang aking punto na karapat-dapat na tanghalin bilang bayani ng siyensiya at teknolohiya si Tata Flor dahil sa kakaibang sipag at tiyagang kaniyang ibinuhos para lamang mapansin ang mga imbensyong Pinoy.

Eto ang kaniyang tugon sa aking mensahe:

Hi Ares: Yes, I wholeheartedly agree with you that Flor deserves to be honored
by DOST. Not only did he help to promote the inventors Flor was the
indefatigable guy who coordinated with media (me at Channel 4 and Lulu at
VOP/Radyo ng Bayan) and facilitated our requests. I remember our trip to Laguna
and Quezon where we inspected DOST-assisted projects.

No comments:

Post a Comment