Napapansin ko lang na masyado yatang nagiging artsy-fartsy ang drama ko dito sa Dubya ngayong 2009.
Sinimulan natin sa Wowowee na maaari sigurong maituring na performing art at nasundan naman nang pagdalo natin bilang isa sa mga hurado ng isang essay writing contest sa UIPS at sa pagmimiron naman sa Emirates Airlines International Festival of Literature.
Kamakailan lang ay napadalo naman tayo sa pagbubukas ng Art for Gaza kung saan nag-exhibit ng kani-kanilang mga obra ang ilang mga talentadong tao dito sa Dubai na karamihan ay mga kaopisina ko dito sa XPRESS at Gulf News.
Simple pero may class na dating ang exhibit na isinagawa sa Dubai Community Theatre and Arts Centre sa Mall of the Emirates mula a-tres ng Marso at magtatapos sa kaarawan nang aking unico hijong si Andre sa a-diyes.
Mga likhang kamay ng aking mga kaopisinang mga Mexicano at mga sipat naman ng aking mga kasamahang Indiano at Canadian at dating mga kasambahay na 'di ko na babanggitin ang mga pangalan dahil sikat na sila at mga piling dokumentaryong ginawa ng aming mga kasamahan sa Gulf News na nagtungo mismo sa Gaza noong panahong sumalakay doon ang mga tropang Israeli noong Disyembre ang isinabit sa exhibit area.
Ang mga obra ay isusubasta kung saan ang mga malilikom rito ay ibabahagi sa Palestine Children’s Relief Fund na siya namang kumakalinga sa mga pangangailangan ng mga batang naipit sa kaguluhan sa Occupied Palestine (kung tawagin dito sa Gitnang Silangan).
Kamangha-mangha ang mga obra kung saan makikita o mararamdaman nang manonood ang hinagpis at pasakit na dinaranas ng mga biktima nang kaguluhang tila walang katapusan.
May ilang mga obra naman na walang direktang koneksyon sa Gaza ang nasa exhibit gaya ng mga larawang kuha ng aking mga kasamahang sina Zarina, Karen at Kahlil.
Bagama’t walang kinalaman sa Gaza, ipinakikita naman sa kanilang mga kuha ang iba’t –ibang anggulo ng buhay at tanawin ditto sa UAE.
Palaisipan lang sa akin kung ano ang kinalaman ng mga cartoon at sci-fi movie characters na likha ng mga Amerikano sa tema ng exhibit. Siguro, sila ang representasyon ng mga kontrabida.
Naalala ko tuloy ang aming dinaluhang essay-writing contest kung saan kalahati sa kabuuang panuntunan nang pagtimbang sa mga lahok ang tinatawag na "Relevance" ng sanaysay sa tema.
May mga kalahok sa patimpalak na talagang mahusay magsulat subalit dahil sa lihis sa tema ang kanilang akda, mababa ang kanilang nakuhang puntos sa criteriang "Relevance".
Kahit na magaling ka, kung wala namang kabuluhan ang iyong ginawa o ginagawa, talo ka pa rin sa bandang huli.
Isa na namang aral ng buhay ang ating natutunan.
No comments:
Post a Comment