Kataka-taka, kabigla-bigla. Omigod, anong nangyari kay Ogie? Anong klaseng toyo ang pumasok sa kokote ni Menor na minsang binansagan ng ating kapatid sa panulat na si Peter Atencio na “genuine school pride” dahil sa nagpatato raw ito ng imahen ng leon sa kaniyang dibdib bilang pagpapatunay umano nang kaniyang pagmamahal sa kaniyang alma mater na kaniyang nabigyan ng anim na korona sa NCAA basketball.
Naka-mohawk daw o gupit Mister T -- kung tawagin sa aking kapanahunan – itong si Menor kung kaya’t napakabangis nang dating nito sa court. Kumbaga, hitsura pa lang, sindak na ang kalaban.
Minsan ko lang napanood nang personal kung paano nga ba maglaro itong si Menor nang suwertehing sa San Beda gawin ang mga laro ng Philippine Basketball League noong Enero 6 at napasabak ang kaniyang koponang Burger King laban sa Harbour Centre.
Maliksi, walang takot sumalaksak at may tira sa labas itong si Menor. Para siyang si Jeffrey Cariaso o si Dondon Ampalayo o maging ang nasirang Arnie Tuadles noong nasa Toyota pa ito.
Ang angking galing at championship experience ni Menor na rin marahil ang dahilan kung bakit siya napili ni Coach Rajko Toroman na mapabilang sa national developmental pool na binuo para makapasok ang koponan ng Pilipinas sa London Olympics sa 2012.
Sa labas ng court, mukha namang simple at walang ere itong si Menor.
Dahil nga isa syang basketball celebrity, may mga lumalapit sa kaniya’t binabati siya na sinuklian naman niya nang ngiti at tango.
Fast forward tayo sa Pebrero.
Nanlumo ako nang lumabas ang ulat na umayaw na sa national team si Menor at tanggihan nito ang alok na kontrata ng Samahang Basketball ng Pilipinas.
Hindi raw maganda ang kontrata. Nagalit pa nga raw ang kuya ni Menor na si Romar – na naririto rin daw sa Dubai at nagtatrabaho bilang personal trainer sa Fitness First – dahil “unfair” raw ang kontrata. Mas gugustuhin raw ni Menor na makipagsapalaran sa PBA kaysa sa magpahinog sa Philippine team.
Naalala ko tuloy ang panukala ni Jenkins Mesina na gawing honorary member sa DesertBedans si Romar dahil ito raw umano ang dahilan kung bakit nanatili sa San Beda si Ogie.
Hindi ko na binasa kung ano ang naging reaksyon ng mga kapwa ko Bedista sa forum ng PEX o Bedista.com. Pero nakasisiguro ako na hati ang opinyon sa naging desisyon ni Menor.
Gaya nang nabanggit ko, nanlumo ako sa ginawa ni Menor. Huwag na nating himayin ang nilalaman ng kontrata. Siguradong pera-pera lang yun.
Ang alam ko, isang malaking karangalan ang mahirang sa national team – ang magsuot nang unipormeng may nakakabit na bandila ng Pilipinas.
Pagkakataon na sana ni Menor na umangat mula sa pagiging “genuine school pride” at maging “genuine national pride”.
Wala akong balita kung ano na ang mga sumunod na pangyayari dahil sa masyado akong naging abala sa trabaho at hindi ko nakausap ang aking mga “usual suspects” sa San Beda kung kaya’t mistulang bagyong Milenyo ang dating sa akin nang ulat ni Cedelf Tupas sa Inquirer na tumiwalag na rin sa San Beda itong si Ogie.
Dito ko na muling binisita ang Bedista.com. Gusto kong magkaroon ng ideya kung ano nga ba talaga ang nangyari. Siguradong may malaking dahilan kung bakit ganito na ang kinahinatnan ng isyu.
Sa isang thread na nasimulan sa site, may nagkuwento doon na ginipit raw ng San Beda si Menor dahil sa desisyon nitong kumalas sa national team. Nahiya raw ang mga opisyales ng San Beda kay Manny Pangilinan kung kaya’t pinilit umano nilang kumbinsihin si Menor na manatili sa national team. May kuwento ring pinatanggal raw ni Manny Pangilinan si Menor.
Dahil na rin sa mga samu’t-saring ispekulasyon, ikinandado ng mga moderator ng forum ang thread. Tama lang rin ang ginawa nila dahil sa puro nga naman tsismis pa lamang ang tinatalakay doon. Natatakot ang mga mods na baka mabasa nang kalaban ang mga nangyayaring alingasngas sa loob.
Wika nga ni San Beda assistant coach Ed Cordero nang magkausap kami sa kapihan ni Rachy Cuna, maraming tao sa NCAA na walang ibang pinagkakaabalahan kundi ang alamin kung paano patataubin ang San Beda.
Sang-ayon ako sa ginawa ng mga Bedista.com moderators na i-lock ang thread subalit nang lumabas na sa Inquirer ang balita, nag-iba na ang usapan. Hindi na siya tsismis. Isa na siyang isyu na dapat pag-usapan at resolbahin.
May nagsabing propaganda lang daw ang sinulat ni Cedelf Tupas. Sabi nang isang mod na “booster” rin daw ng Red Lions, nakausap raw niya si Menor na nagsabing wala raw siyang naalalang may nag-interview sa kaniya. Meron ring nagsabing maaaring may kinalaman raw ang isang Charlie Dy na isang baskeball players’ agent ayon sa kaniya umanong profile sa Friendster.
Ayaw naman daw umanong magsalita nitong si Menor at ayon sa isang mod, wala ring gustong magsalita sa isyu.
Pero maraming hindi papayag na palampasin na lang basta-basta ang isyu.
Bagama’t napakalayo ko sa Mendiola, inulan pa rin ako ng e-mail mula sa mga taong nag-aakalang alam ko ang “inside story”.
Sa totoo lang, habang isinusulat ko ito’y wala pa ring linaw kung ano ba talaga ang nangyari.
Naging malinaw lang na nagsinungaling si Menor sa isang “booster” nang sabihin nitong hindi umano niya maalalang nagpa-interview siya sa Inquirer.
Ayon kay Cedelf na hindi naman natin kilala pero sumagot sa aking e-mail bilang kortesiya sa isang mas nakatatandang kasama sa pamamamahayag, kaharap pa niya ang kaniyang mga editor sa Inquirer nang makapanayam niya si Menor sa telepono. Naka speakerphone pa nga ang kanilang usapan kaya’t dinig na dinig ng mga Inquirer editors ang kanilang usapan.
Hindi rin daw tumugon ang Rector-President ng San Beda na si Fr. Mateo sa kaniyang ipinadalang text message.
Hindi matatahimik ang sanlibutang Bedista hangga’t hindi nailalantad kung ano ba talaga ang puno’t dulo nang pag-alis ni Menor.
Sa kabilang banda, hindi pa naman nagugunaw ang mundo ng mga Pulang Leon.
Sigurado akong lalong pag-iibayuhin nina Coach Frankie at Coach Ed ang paghahanda para mapanatili sa Mendiola ang korona.
Lalaban at lalaban ang Red Lions, tiyak yon!
-oOo-
Gaya nang nailathala ko sa aking post sa Bedista.com, hindi ko maialis na maikumpara si Menor sa isang Red Lion na minsan ring tumahak sa sitwasyong kaniyang dinaraanan ngayon.
Ang aking binabanggit na Red Lion ay si Elmer Reyes.
Magkasingtangkad lang halos sina Reyes at Menor. Kundi ako nagkakamali, pareho silang 6’3”. Slasher ring matatawag itong si Reyes at may tira rin sa labas. Hindi nga lang napagtripan ni Reyes na magmukhang punkista.
Si Reyes ay kabilang sa koponan ng San Beda Red Lions na nanalo ng kampeonato noong 1977 at 1978.
‘Di hamak na dahil sa magagaling nga ang mga manlalaro ng San Beda noong panahong iyon, pinag-agawan sila ng mga team sa noo’y MICAA.
Hindi ko alam kung saan-saang teams napunta noon sina Reyes, Frankie Lim, Chito Loyzaga, Chuck Barreiro, Louie Brill, JB Yango at Noel Guzman. Pero nabasa ko sa internet na sina Reyes, Lim, Brill, at Yango ay kabilang sa mga hinila ni Coach Ron Jacobs para sa kaniyang binubuong developmental team gaya nang pool na minamanduhan ngayon ni Coach Rajko Toroman.
Sa pagtatagpi-tagpi ko sa mga kuwento’t mga artikulo, katatapos lamang mag-host ng Pilipinas ng World Basketball Championships noong 1978 at medyo nabahala si Pangulong Marcos na nagiging kulelat na ang Pilipinas sa basketball mula nang pumaimbulog ang PBA noong 1975. Inatasan niya si Danding Cojuangco na maging project director ng basketball at dahil sa direktang utos ito ni Macoy, hindi nakapalag si Lito Puyat na noo’y presidente ng Basketball Association of the Philippines at maging ng FIBA (International Basketball Federation sa English translation).
Dalawang Amerikanong coach ang kinuha ni Boss Danding. Si Ron Jacobs na noo’y coach ng Loyola Marymount at isa pang di ko maalala ang pangalan dahil sa hindi naman siya kailanman nabanggit nang mamayagpag ang team ni Jacobs sa PBA.
Upang mapabilis ang resultang hinihingi ni Macoy, kumuha si Jacobs ng ilang Fil-Am gaya nina Willie Pearson at Ricardo Brown at mga Kanong player gaya nina Dennis Still, Jeff More at Chip Engelland na payag na magpa-naturalize para lamang makapaglaro sa Philippine team.
Unang isinabak ang koponan sa Jones Cup at tagumpay naman nilang naiuwi ang korona.
Bagama’t sa wakas ay nagkaroon na rin ng international basketball title ang Pilipinas, hindi naman ito ikinatuwa ng mga Pinoy dahil nga naman pawang mga Amerikano halos ang bumubuo ng team. Tanging sina Frankie Lim, JB Yango at Louie Brill lang yata ang mga Pinoy doon.
Dahil dito, binago ni Jacobs ang set up. Kinuha niya ang mga magagaling na basketbolista sa amateur at kolehiyo na siyang bubuo ng developmental team na ang target ay ang muling makopo ang Asian Basketball Confederation championship (ngayo’y kilala sa pangalang Fiba-Asia).
Habang nag-akyatan na sa PBA sina Loyzaga, Yango, Barreiro at Lim, naiwan naman sa pagiging “amateur” itong si Elmer Reyes dahil na rin umano sa kahilingan ni Ron Jacobs na bigyan nila ni Hector Calma ng Adamson ng liderato ang mga nakababatang mga player.
Nanatili sa Philippine team si Elmer Reyes.
Maraming pinagdaanan ang developmental team ni Jacobs. Nariyang ma-forfeit ang kanilang mga ipinanalong laro dahil lamang sa teknikalidad (1983 ABC yata yun) at madikdik ng mga mas malalaki at di hamak na mas magagaling na team sa World Inter-Club sa Spain.
Tinatayang may 30 hanggang 40 players ang naglabas-masok sa programa ni Jacobs. Ilan sa mga hindi pinalad na umabot ng PBA sina Brill, Benjie Gutierrez ng UST at Anthony Mendoza ng Southwestern University (yata) sa Cebu. Karamihan naman sa mga dumaan sa developmental team ang gumawa ng pangalan sa larangan ng basketball gaya nina Samboy Lim, Allan Caidic, Franz Pumaren, Tonichi Yturri atbp.
Saka lamang nakaakyat ng PBA si Elmer Reyes nang buwagin na ang Philippine team. Naging pro si Reyes noong 1986 o mahigit-kumulang limang taon makalipas magsi-akyat sa PBA ang kaniyang mga ka-batch.
Bagama’t huli na sa pagsampa sa PBA, hindi naman ito naging balakid kay Reyes na ipakitang isa nga siya sa pinakamagagaling na basketbolista ng bansa.
Dahil sa ipinakitang katapatan ni Reyes sa bandila – may kontrata man o wala – mas nababagay na maihanay siya sa kategorya ni King Caloy.
Sana’y mapansin ito ng San Beda Alumni Sports Foundation. Hindi pa naman huli upang maparangalan si Reyes sa kaniyang kahanga-hangang ginawa.
-oOo-
HULING HIRIT. Naririto ang ilang reaksyon ng aming mga kapwa Bedista sa isyung kinapalooban ni Ogie Menor. Sila ang may sabi nito, hindi ako.
Mula sa isang Bedan alumni e-group:
“medyo bothered ako sa ugali ng ibang mga student athletes ngayon. parang hindi
direcho takbo ng utak ng iba. some are driven by expensive gifts while some are
greatful with scholarships alone. i hope everyone would fall into that category.
sad to say, some are a bit selfish and difficult to deal with. maybe not being
raised as a bedan during the formative years has something to do with it. sorry
kung may tinamaan but i don't candy coat how i feel about this issue. its best
to recruit athletes that are students athletes talaga and not those who plan to
milk the school and sponsors for everything they have, then at the end of the
day, drop them like a hot potato. hindi ko alam ang buong story behind this, but
from what i have read, the school created a monster."
Mula sa Bedista.com:
“sana lang talaga panindigan ni ogie yung decision nya. kasi nakapagsalita na
sya, to be honest para sakin indi maganda ang move nya pero kapag bigla
nyang binali ang mga binitawan nyang salita.... kung dati idol ko sya ngayon
indi na... idol ko lang yung mga taong may paninindigan, tsaka bago gumawa
ng move pinagiisipan muna maige.sa basketbol, napakarami ang may talento
pero nabibilang lang ang nagiging alamat.”