Friday, February 13, 2009

Shawarma Nights is 1

Woohooo!!!

Naka isang taon na ang Shawarma Nights!

Isang taong pagtambay, pagmumuni-muni, pag-Uzi at pakikisalamuha sa birtuwal na daigdig ng mga blog-gulero.

Bakit ba ako nag-blog? Bakit nga ba Shawarma Nights ang pamagat ng pahina ko? May napala ba ako sa pagba-blog?

Isa-isahin kong sagutin ang mga tanong ko na ilang beses ring naitanong sa akin sa nakalipas na 365 days.

Bakit ako gumawa ng blog?

Ang madalas kong tugon sa mga usiserong hindi pa masyadong ma-gets ang mundo ng blogging ay isang patay-maling “Wala lang.”

Wala lang…dahil kapag wala ako sa opisina (o kahit nasa opisina ako gaya ngayon)….wala akong magawa. ….kaya ko nga ito Tinagalog para di maintindihan ng mga nagmamasid na mata sa paligid ko hehehe

“Wala lang” ang madalas kong sagot dahil gusto ko lang tuldukan ang mga taong kailangan pang paliwanagan kung anong klaseng animal ang isang blog.

Sa panahong ang buhay, galaw at paghahanap-buhay ng tao sa Information Age ay nakasalalay na sa tinatawag na cyberspace o internet, hindi ka “in” kung hindi ka marunong mag-chat, mag-email, o mag-Facebook (sa Pilipinas na lang uso ang Friendster).

Masasabing medyo angat ka ng konti sa ibang “netizen” kung meron kang blog o sariling teritoryo sa internet.

Gaya marahil nang nabanggit ko sa mga naunang entry ko, sinubukan kong pasukin ang mundo ng mga blog-gulero (dito mo unang nabasa yang terminolohiyang yan ha) dahil na rin sa mga udyok at pangungulit ng ilang kaibigang kinarir na rin ang blogging gaya nina Slap Happy (Anton de Leon), First Draft (Joe Torres) at ng aking ex-protege na si Raymund Villanueva (Ka-Blog).

Nais noon ni Joe na gumawa ako ng blog tungkol sa buhay-buhay ng isang OFW para sa isang media portal na kaniyang pinamunuan pero nabahag ang buntot ko dahil wala naman ako sa kalingkingan ng mga talentadong taong bumubuo ng kaniyang “band of bloggers”.

Naging mapurol na rin ang panulat ko at hindi na kasing-talas ng wit gaya ng blogger na si Azrael na isa ring OFW sa Qatar. Hindi na rin ako masyadong makapaglagalag gaya ni Manila Boy (Spanky Enriquez) o Bleacher's Brew (Rick Olivares) kaya mistulang arestadong rebel soldier akong nakukuntento na lang na humarap sa screen habang naghihintay na amagin sa loob ng Crame.

Inaamin ko rin naman na hindi na ako sanay sumulat ng sanaysay at mas gamay ko pa ang mamasada na lang ng kopya.

Ika nga ng tinaguriang living legend ng Philippine journalism na si Rod T. Reyes, “I’m not an essayist, I’m a straight news guy” ....or words to that effect according to Raul Rodrigo's book "The Power and the Glory".

Masyado na yatang naging off-topic.

Bakit naman Shawarma Nights ang napili kong pamagat ng blog na ito?

Good question my special child!

Sa unang pagkakataong sinubukan kong pumaimbulog sa blogging, Snooper’s Perch ang ginamit kong titulo.

Snooper ang title ng aking column sa The Bedan.

Snooper dahil pag-snoop ng scoop at kontrobersya ang naging papel ko sa loob ng campus. Tumakbo nang apat na taon ang Snooper (1987-1991) at ang isa sa pinakamatinding “accomplishment” ng aking column ay nang bambuhin namin ang sistema nang pagtuturo ng Guidance classes sa College of Arts and Sciences kung kaya’t na-abolish ito at pinalitan ng subject na “Personality Enhancement Program”.

Gusto ko sanang muling buhayin ang pagiging “snooper” pero limitado ang galaw ko dito sa disyerto. Medyo sensitibo at komplikado ang buhay-buhay. Wala na ako sa mundo kung saan maaaring mamayagpag ang isang “snooper”.

So the search is on for another blog title.

Bigla kong naalala na sa tuwing naglalakad ako sa disyerto, madalas kong kanta-kantahin ang Sahara Night na pinauso ni F.R. David noong panahong nasa rurok ako ng aking kabataan.

At dahil shawarma naman ang pambansang pagkain sa aking kinalalagyan ngayon, pinagsama ko na lang shawarma at Sahara Night kaya siya naging Shawarma Nights (pero ni minsan ay di ko pa nasubukang mag-blog habang kumakain ng shawarma).

So get’s mo na?

Tumbukin naman natin ang huling tanong … na kung ano ba ang napala ko sa pagba-blog?

Hmmmm mahirap sagutin.

Kung ilalagay natin sa kontekstong pinagkakitaan ko o naging tulay ang blogging para magkaroon ng ibang oportunidad ang salitang “napala” marahil ang sagot ko sa tanong ay gaya ng standard retort ko sa unang tanong – “Wala”.

Walang masyadong nilaman ang blog ko kundi mga “emo” moments ko nang dumating ang birthday ng aking mga anak, o kaya’y may mamatay na kaibigan o kakilala. Umabot pa nga sa punto na naging obituary ng mga kapwa ko peryodista ang aking blog…bearer of bad news – kaya nga blog-gulero (blogger na nanggugulo o blogger na naghahanap nang basag-ulo).

Paminsan-minsan, nag-repost lang naman ako ng kung ano-anong bagay (kadalasan, jokes) na naliligaw sa aking inbox o dili kaya’y i-enhance ang ilang historical articles gaya nang anibersaryo ng Katipunan. Love ko pa rin kasi talaga ang pag-aaral ng kasaysayan.

Kung ganon lang naman kababaw ang laman ng blog ko, sino nga ba ang magtitiyagang dumalaw-dalaw dito?

Hmmm… ewan ko lang pero ayon sa site meter ko, umaabot na raw sa mahigit 3,000 ang naligaw sa Shawarma Nights.

Lumakas ang benta nang minsang talakayin ko ang eleksyon sa National Press Club noong nakaraang taon na naging sanhi naman nang “pagtatampo” sa akin ng aking kaibigang si Benny Antiporda. at nang aking ihayag ang aking paniwala na dapat nating palakasin ang ating coast guard upang matugunan nila ang kanilang tungkulin, bagay na napansin sa blog ng PCIJ.

Kung may napala man ako sa pagba-blog, yun ay yung personal satisfaction na hindi ito naging ningas kugon.

Ayokong mangakong dadalasan ko na o kakaririn ang pagba-blog dahil sa ngayon, hirap akong magkaroon ng personal connection dahil di namin kayang ibigay ang isang requirement ng Etisalat para makabitan kami ng internet.

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata!

1 comment:

  1. Aba'y akalain mo at nakaisang taon ka na pala.maligayang bati sa shawarma nights at sana ay magkarron ka pa ng maraming kwento na malalahad dito sa blogging universe...

    Mabuhay!

    ReplyDelete