Saturday, November 28, 2009

Pagbabalik-tanaw sa Mindanao

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa sinapit nang halos 60 kataong walang awang kinatay ng mga walang kaluluwang demonyo sa Maguindanao.



Kahapon, inialay ni Fr Gob Yaptiongco ang kaniyang banal na misa sa St Mary’s Church dito sa Dubai para sa ikatatahimik ng mga kaluluwa nang ating mga pinaslang na kapatid sa hanapbuhay.

Naglutangan ang mga kabaro nating peryodista upang makiisa sa panawagan ng Filipino Press Club na ipakita ang paghihinagpis ng industriya at isabuhay ang statement na naunang inilabas ng grupo. Pawang absent ang mga hao-shao o yung mga "feeling" journalist.



Sa aming paglabas sa simbahan, bigla akong kinabitan nang lapel mic ni koyang Dindo Amparo na minsan ko na ring nakasabayan sa isang coverage sa Mindanao noong panahong sa Pilipinas pa kami nakabase.

Natameme ako sa tanong niya na kung sakaling babalik ako sa Pilipinas, tatanggap pa rin ba ako nang assignment sa Mindanao?

Mahirap magtapang-tapangan lalo na’t naumpisahan na ang hayagang pagkatay sa mga mamamahayag. Kung pogi points lang ang habol ko, madaling sabihing “Oo. Pupunta pa rin ako dahil hindi tayo dapat matakot!”

Pero naiba na ang kalakaran. Fair game na o talo-talo na ang media. Hindi na maaaring gawing kalasag ang aming mga press cards.



Aminin man o hindi, binalot na nang gimbal ang hanay ng mga mamamahayag hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Ang 11/23 massacre sa Maguindanao ang 9/11 ng journalism. Mula Nobyembre 23, 2009, nabago na ang ikot nang aming mundo.

Habang iniisip ko ang sinapit ng aming mga kabaro, bigla kong naalala ang minsang pagtapak ko sa Central Mindanao para sa aming coverage noong 2004 presidential elections. Nag-cover kami sa biyaheng Socsargen ng K-4, ang pro-administration coalition na lumahok sa kontrobersyal na 2004 elections. Tinanggap ko ang assignment dahil sa hindi ko pa nararating ang Central Mindanao.

Gusto kong makita kung ano ba ang hitsura ng Cotabato na una kong narinig sa kanta ng Asin. Gusto kong makita ang Maguindanao na noo’y distrito nang isa sa mga makukulay na personalidad sa pulitika na si Didagen Dilangalen.

Gusto kong makita ang bayan ng Marbel na sumikat dahil doon nagmula ang magaling na basketbolistang si Kenneth Duremdes kung kaya siya nabansagang "Captain Marvel". Nais ko ring makarating sa bayan ng aking mga kaibigan gaya ng Tupi – hometown ng aming dating katunggali sa pulitika sa San Beda na si Atty Nonoy Rojas – at ang lungsod ng Tacurong sa Sultan Kudarat kung saan naman nagmula ang aking naging kaklase sa College of Law na si Germin “Justice” Umadhay.

Op kors, ang highlight ay ang pagpipista sa mga bagong hangong tuna mula sa GenSan at ang pagsilip sa lugar na tinatawag na Isla Parilya sa lalawigan ng Saranggani.

Gaya marahil nang mga napaslang na mga mamamahayag bago sila tumulak sa kanilang huling biyahe, excited rin ang grupo namin nang magkita-kita kami sa NAIA Centennial Terminal. Doon pa lang ay pinag-uusapan na namin ng aming kabise ang pamosong mga seafood sa GenSan at ang pagbili ng ghutra o yung bandana na pinasikat ng mga Abu Sayyaf. Hindi na namin pinag-usapan ang mga posibleng istorya dahil sa de-kahon naman kadalasan ang mga ito. Ang usual target lang ay ang makapanayam ang mga local politicians at pagsalitain tungkol sa mga national issues at quota na kami.

Ang tanging inabangan lang namin noon ay kung ano ang magiging reaksyon ni Lani Mercado na noo’y proxy ng kaniyang asawang si Bong sa patutsada ni Miriam na mga walang utak at di karapat-dapat ihalal ang mga showbiz na kandidato (nakalimutan ni Miriam na kapartido niya sina Bong at Lito Lapid). Si Lani ang pinagpaplanuhan naming silihan dahil sa consistent namang bahag ang buntot ni Leon Guerrero at siguradong wala kaming mapipiga sa chairman ng Committee on Silence.

Smooth as silk ang paglapag namin sa paliparan ng Cotabato. Maraming taong sumalubong sa airport – hakot ng mga local na pulitiko. Mukha namang tahimik at malayo sa titik ng kantang Asin na “kasing gulo ng tao, kasing gulo ng mundo” ang paligid.

Habang binabagtas nang aming convoy ang daan patungo sa isang hotel kung saan may naka-schedule na press conference, kapansin-pansing wala masyadong modernong istraktura sa lugar. May mangilan-ngilang konkretong gusali na hanggang limang palapag at may Jollibee!

Sa pagliko nang aming van, biglang bumulaga ang isang Simba APC ng army na nakaparada ilang metro ang layo mula sa isang mosque. Kumpirmado na ngang nasa Mindanao na kami.

Nang dumating kami sa pagdarausan ng presscon, binulungan ko si Niel Mugas na noo’y reporter ng Manila Times. “Umayos ka nang kilos dito.ha. Nakita mo yang mga nakatambay na ‘yan? Mga Ilaga yan, kakatayin ka niyan kapag di nila nagustuhan kilos mo,” pabirong panakot ko kay Niel. Mukha namang tumalab dahil behaved ang usual na magaslaw na hitad.

Pagpasok namin sa function room, agad kong nakita ang kakilalang correspondent ng Inquirer na si Nash Maulana na huli kong nakita sa Maynila noong panahong public works secretary si Simeon Datumanong. May ibinida sa aming istorya si Nash subalit nakalimutan ko na kung ano yun. Ang naalala ko lang ay ayaw niyang sumama sa aming pag-iikot dahil may nagagalit raw sa ginawa niyang istorya.

Nasa kabilang mesa naman ang isa pang grupo ng local media kung saan nakagrupo si Bong Reblando ng Bulletin. Nilapitan ko ang grupo at kinamayan si Bong at tinanong kung boboto ba siya sa National Press Club elections Walang palya sa pagboto sa NPC elections si Bong at madalas rin itong tumambay sa Press Club sa tuwing lumuluwas siya ng Maynila kung kaya’t marami siyang naging kaibigang Manila-based media.

May mga ipinakilala sa aming mga local media sina Nash at Bong. Hindi malayong isa o ilan pa sa kanila ang nakasama ni Bong sa mahigit 30 mamamahayag na kinatay sa Maguindanao.

Sa aming pag-iikot sa Socsargen, kitang-kita ang kasalatan sa imprastraktura ang rehiyon. Mas marami pang waiting shed, tangke ng tubig at billboard kung saan nakapinta ang pangalan ng mga pulitiko kesa sa mga eskwelahan, health center, palengke at iba pang pasilidad.

Hindi pa man tuluyang kumakagat ang dilim, kapansin-pansing nagmamadaling maglakad pauwi ang mga tao. At nang tuluyan nang dumilim, umusbong na ang mga checkpoint. Ang mga kalalakihang naglalakad sa gilid nang highway ay pawang nakasuot na ng camouflage at may dala-dalangng mga mahaba.

Ayon sa aming piloto, isa sa mga dinaanan naming checkpoint ay minamanduhan ng mga "rebelde".

Normal lang daw ang ganito sa parteng ito ng Mindanao.

No comments:

Post a Comment