Nabulabog ang sambayanang Pilipino sa artikulong naisulat ni Chip Tsao na inilahathala sa HK Magazine kung saan kaniyang sinabing walang ‘K’ ang Pilipinas na angkinin ang isla ng Spratlys o ang Kalayaan Island Group sa South China Sea dahil sa ang ating bayan raw ay “nation of servants”.
Una kong nabasa ang naturang obra nang ipadala sa akin ni Lalaine (patnugot ng Illustrado magazine) ang link sa artikulo nang una itong lumabas noong Marso 27. Dali-dali ko namang inilagay sa Facebook ang naturang artikulong pinamagatang “The War at Home” at inalerto ang mga kabaro sa pamamahayag at ilang maiimpluwensiyang “kaibigan” sa hangaring maaksyunan ang muling pagyurak sa dangal ng aming lahi (naks!).
Mabilis ang naging pagkilos laban kay Chip Tsao. Ilang grupong kumukondena kay Tsao ang nabuo sa Facebook at nagkaniya-kaniya nang buhos nang ngitngit ang mga blogulero. Op kors, hindi nagpahuli ang mga pulitiko – lalo na ang mga may naririnig na 'boses' para sa 2010 – at naging mabilis rin ang pag-blacklist kay Tsao ng Bureau of Immigration.
Sa Hong Kong, agaran ring kumilos ang ating konsulado upang iparating sa patnugot nang pinaglathalaang magasin ang galit na naramdaman ng sambayanang Pilipino.
Bagama’t naging maagap ang paghingi ng paumanhin ng Asia City Publishing Group sa paglalathala nang nakasusulasok na artikulo, hindi pa rin nanahimik ang mga Pilipino na pilit na hinihingi ang ulo ni Tsao. “Tatalupan namin siya ng buhay,” tila nabasa kong pahayag ng isang kababayan (hindi 'kabayan') sa isang online forum.
Sa totoo lang, hindi ko na inasahang lalantad pa si Tsao. Kung hihingi man ito nang paumanhin, malamang ay maglalabas lamang siya ng isang pahayag para matigil na ang alingasngas.
Subalit nagulat ako nang kamakailan lang ay personal na nagpakita si Tsao sa ating konsulado sa Hong Kong upang humingi ng dispensa. Akala ko noong una'y nakipag-usap lang si Tsao sa mga opisyales ng konsulado kung kaya't lalo akong nagulat nang malamang buong-loob niyang hinarap ang mga kinatawan ng Filipino community sa Hong Kong at inulit ang paghingi nang paumanhin. Napanood ko pa nga sa TV ang kaniyang pagyukod sa mga Pilipinong dumagsa sa konsulado. Kung ating iintindihin ang kultura ng mga Oriental, ang pagyukod ay simbolo nang pagpapakumbaba at buong-pusong pagbibigay galang.
Dahil doon, napahanga ako kay Chip Tsao.
Hindi biro para sa isang mamamahayag ang umamin nang pagkakamali lalo pa’t humarap sa mga taong sagad hanggang buto ang galit sa iyo dahil sa balita o komentaryong iyong naisulat.
Hindi ko na tatalakayin kung paano ipinaliwanag ni Chip Tsao ang dahilan kung bakit niya naisulat ang “The War at Home”. Maaaring sablay pa rin o hindi convincing ang kaniyang paliwanag subalit sa ganang akin ay kahanga-hanga ang kaniyang pagharap sa mga taong kaniyang nasagasaan.
Hindi ko naman maiwasang maihambing ang kaganapang ito sa alingasngas na nilikha ng isang Malu Fernandez na minsang sumikat nang kaniyang alipustain ang kaniyang mga kababayang OFW na kaniyang nakasabay sa flight mula sa Dubai.
Gaya ni Tsao, binastos ni Malu Fernandez ang mga Filipino sa kagustuhan niyang ipangalandakan ang kaniyang pagiging jetsetter at ipahayag na siya’y angat sa iba.
Ipinako sa krus si Fernandez. Binambo nang kaliwa’t kanan hanggang sa mapilitan umano itong mag-sorry.
Sinibak si Fernandez bilang manunulat sa People Asia magazine at nag-alok umano itong mag-resign sa Manila Standard Today.
Kailanman ay hindi humarap si Fernandez. Tumanggi siyang magbigay nang anumang direktang pahayag dahil sa sapat na raw ang kaniyang inilabas na press statement na humihingi siya ng paumanhin kung may nasaktan man sa kaniyang makulay na istilo sa panulat.
Nanahimik ang mga blogulero sa paniwalang nagwagi na sila sa kanilang kampanyang hingiin ang ulo ni Fernandez.
Dalawang taon makalipas ang kontrobersiya, biglang nabuhay sa akin ang isyu.
Nang umuwi ako sa Pilipinas noong nakaraang Kapaskuhan, nagkaharap – actually nakatabi – ko sa isang barikan sa National Press Club ang aking malapit na kaibigan na isa sa mga patnugot ng Manila Standard Today.
Nang medyo mababad na sa alcohol ang aming utak at diwa, inilabas ng aking kaibigan ang kaniyang galit bunsod nang nangyari sa isyung Malu Fernandez.
Aniya, walang karapatan ang mga OFW na hingiin ang ulo ng kanilang lifestyle writer dahil sa hindi naman daw kami bumibili ng sipi ng Manila Standard Today. Nakikibasa lang daw kami sa internet at hindi nagpapasok ng pera sa kanilang kaban.
At dahil sa nakaiinsulto umano ang tinuran ng mga OFW at maging ng mga blogulero, dito umano nagpasiya ang patnugutan ng Manila Standard Today na huwag tanggapin ang pagbibitiw ni Malu Fernandez at hayaan itong magpatuloy na ipagwasiwasan ang kaniyang “acerbic wit”.
Ngayon, kung ating babalikan ang kaganapan sa nangyaring pambabastos sa mga Pilipino ng isang Tsino at ng isang kababayang Pilipina, sino sa kanilang dalawa ang naging mas makatao sa pagharap sa isyu?
No comments:
Post a Comment