Monday, April 27, 2009

Saksihan ang imbestigador

Nag-aayos ako nang aking mga kagamitan noong nagdaang weekend nang mahalungkat ko ang isang librong matagal ko nang nabili subalit hindi ko nagawang mabasa nang masinsinan dahil na rin sa aking angking talento sa pagiging tamad.



Ang librong ito na inilimbag pa sa UK at isinulat para sa mga kabataang mag-aaral ay napapanahon sa gitna nang alingasngas na nilikha sa likod nang pagkamatay ng asawa ni Ted Failon na si Trina Etong.

Isantabi na muna natin ang kontrobersiyang dulot nang kasong obstruction of justice na isinampa ng pulisya laban kay Failon at sa kaniyang mga kasambahay at ituon natin ang pansin sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso kung saan naman nakapaloob ang tinatawag na forensic science.

Sa paunang salita ng forensic anthropologist at manunulat na si Kathy Reichts, kaniyang tinalakay ang kahalagahan ng siyensiya sa pag-iimbestiga ng isang krimen. 

Aniya, malayo sa mga eksena sa mga sine at telebisyon, ang paglutas sa misteryong bumabalot sa isang krimen ay hindi lang basta-basta nagagawa ng isang bidang pulis, imbestigador o detective na magpapa-cute lang o kaya'y magpapaka-macho at malalaglag na sa kaniyang harapan ang susi sa kaniyang binubutingting na kaso.

Salamat na rin marahil sa Hollywood dahil sa mula nang mauso ang mga palabas na gaya ng CSI, naging bukambibig na nina Juan, Pedro at George ang ilang terminolohiya sa crime scene investigation. 

Ang pagiging uso ng mga palabas na gaya ng CSI ay nagtulak na rin sa ating mga TV networks na mag-produce ng mga kahalintulad na palabas gaya ng SOCO ng ABS-CBN na tumatalakay sa mga kwento kung paano nasukol ang isang suspect sa pamamagitan ng siyensiya.




Sa kaso ni Trina Etong, kapansin-pansin na marahil ay dahil na rin sa exposure ng madlang pipol sa mga ganitong palabas, nagiging paksa sa mga huntahan ang mga "malalim" na tanong gaya nang kung kaliwete ba ang biktima, kung bakit nilinis ang crime scene, at maging kung ano ang epekto nang negatibong resulta sa parrafin test ni Ted Failon o ang resulta ng pangalawang autopsy na isinagawa ng pamosong forensic pathologist na si Dr Raquel Fortun. 




Kumbaga, masasabi nating tumaas rin naman ang antas ng karunungan ng madla sa mga bagay na dati-rati'y tanging mga mahihilig lang sa crime novels at Discovery channel ang may paki.

Nakinikinita ko tuloy ang aking paboritong magbabalot na si Mang Roger na marahil ay nakikipagpalitan na rin ng kuru-kuro sa mga law students ng San Beda hinggil sa forensics.

Tumaas man ang kamalayan ng madla sa ganitong bagay, tila may mga pagkukulang pa rin ang ating pulisya sa ilang bagay na itinuturing na "basic" sa cri
me scene investigation.

Mabalik tayo sa libro, unang tinalakay rito ang tinawag na "crime scene" o ang lugar na pinangyarihan ng krimen.

"Law officers and detectives take special care to preserve crime scenes, exactly as they find them, because evidence is fragile, and clumsy feet and prying hands can easily destroy it. Without evidence, it may be impossible to solve a crime and catch the villains who carried it out."

Malinaw naman siguro ang pagkakasabi nito. 

Hindi natin alam kung paano kumilos ang mga pulis na unang nakarating sa crime scene. Sinelyuhan ba nila ang silid, banyo at iba pang lugar kung saan maaaring makakuha ng ebidensiya habang hindi pa dumarating ang mga Scene of Crime Operatives (SOCO)?

Kung ating muling panonoorin ang mga footage noong mga oras na isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso, makikita nating maramin
g tao ang labas-masok sa bahay ni Ted Failon.

Sa video grab na ito, makikita ang isang lalaking nakasuot ng sombrerong pula ang naroon mismo sa banyo habang sinusuri ng mga SOCO ang crime scene. 

Kung sa ibang bansa ito, hindi mapapayagang mangyari ito. Siguradong palalabasin ang lahat ng taong walang kinalaman sa imbestigasyon kes
ehodang sinong anak ni Herodes pa sila.

Sa caption sa isang larawan sa libro, malinaw ang paliwanag kung bakit kailangang pagbawalan ang mga miron sa crime scene.

"The more people who visit a crime scene, the more chance there is of destroying evidence. So an important priority is to keep away journalists, curious neighbours -- and even other officials whose visit is not absolutely essential."  

Sa setting ng Pilipinas, medyo mahirap ring hayaan na lang ang mga pulis sa pagsisiyasat dahil sa hindi pangambang matamnan ng "ebidensiya" ang crime scene sa layong agaran nang tapusin ang imbestigasyon at makapagdiin na ng suspect.

Dito ko biglang naalala ang kuwento sa akin ng aking naging editor sa isang pahayagang aking dating pinasukan. Aniya, nang madatnan nilang duguan sa library ang isa naming kaopisina matapos silang makarinig ng putok ng baril, agad na niyang itinulak palayo ang isang kasamahan na nagtangka pa sanang lumapit para sana dalhin ang aming namayapang kasama sa ospital. 

Aniya, kitang-kita namang wala nang buhay ang aming nakabulagtang biktima at umaagos ang dugo mula sa kaniyang ulo kung kaya't wala na ring mangyayari kung dadalhin pa ito sa ospital. Hindi na niya aniya pinapasukan ang library hanggang sa makarating ang mga imbestigador.

Isa pang nakatawag ng aking pansin ang sinabi sa libro kung paano dapat kumilos ang mga taong nasa isang crime scene.

"Once the crime scene is taped off, there are other simple, but essential precautions that officers need to take. They must not eat, drink or smoke, because these activities leave traces that may later confuse investigators."
Dahil na rin sa dami nang taong nasa loob ng bahay ni Ted, hindi natin masabi kung nasunod nga ito.

Maging sa ilang footage na ipinalalabas sa news, makikitang may mga pulis na naninigarilyo, ngumunguya ng babolgam o umiinom ng tubig habang nag-iimbestiga sa crime scene. 

Marami pang bagay ang tinalakay sa libro gaya ng isang uri ng kemikal at pailaw na ginagamit ng mga forensic experts upang malaman kung saan kumalat ang dugo ng isang biktima ng pamamaslang sakaling "nilinis" ang isang crime scene.

Napanood ko sa TV si NBI Director Nestor Mantaring na nagbida na mayroon silang kagamitang may kakayanang masipat kung saan tumagas ang dugo ni Trina Etong. Marahil ay ito na nga o kahalintulad nito ang tinalakay sa naturang libro.

Isa sa mga basic na pinag-aaralan ng sinumang pumapasok sa pulisya ang forensics. Hindi ko lang maintindihan kung bakit marami pa ring pulis ang nagtatanga-tangahan dito at idinadahilang hindi raw kasi sila mga SOCO. Kung sabagay, wala nga namang colored pictures ang karamihan sa mga textbook na ginagamit sa Criminology school o sa mga training centers ng Philippine Public Safety College.

Sana'y may isang mabait na senador o congressman na makaisip na gamitin ang kaniyang pork barrel sa pagbili ng ganitong klaseng libro at maiipamudmod sa mga pulis. 

May ilang website na itinuro ang libro kung nais mo pang mag-usisa ng mga bagay-bagay tungkol sa forensics. 

Tingnan niyo na lang kung interesado kayo rito:

www.cyberbee.com/whodunnit/crimescene.html 
www.fbi.gov/kids
www.galleriesofjustice.org.uk
www.lifesciencecentre.co.uk

No comments:

Post a Comment